Block E: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Pilipino-Filipino


PILIPINO O FILIPINO? ANO NGA BA TALAGA?

Pangkat 10 - CELESTIAL, CORONEL, MAON

Daloy ng Presentasyon

Sisimulan namin ang aming presentasyon sa pamamagitan ng paglalaro. Susundan ito ng pagtalakay sa mga nakalap naming impormasyon tungkol sa paksa. Pagkatapos ay sasagutin namin ang mga tanong ng aming mga kaklase upang mas malinawan sila sa aming paksa.


Laro
Ang klase ay hahatiin sa 5 grupo na may tig-aanim na miyembro. Lalaruin nila ang aktibidad tungkol sa aming paksa na hinanda ng kagrupo naming si Lesli. Kailangan nilang mahulaan ang tamang pagkakabaybay ng mga salitang Filipino ayun sa bagong ortograpiya ng Komisyon ng Wikang Filipino. Ang layunin ng larong ito ay malaman kung gaano kalawak ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa wikang Filipino. Ito ay tatagal ng sampung minuto. Ang laro namin ay matatagpuan dito:


Biswal na Presentasyon

Ang grupo ay gumawa ng isang animation upang ipaliwanag ang paksa. Ito ay tatagal ng pitong minuto. Gumamit rin kami ng ibang materyales tulad ng PowerPoint Presentation (PPT) upang magamit sa diskurso na dapat ay mangyayari sa naasahang takdang petsa. Magbibigay din ang grupo ng handout upang mas masundan ng mga mag-aaral ang tinatalakay.




KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO

Noong 1936 sa bisa ng Batas Komonwelt Blg.184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa na naatasang aralin at suriin ang mga dayalektong umiiral sa ating bansa na maaaring maging basehan ng ating pambansang wika. Sa sumunod na taon, pinirmahan ni Pangulo Manuel Quezon ang Kautusang Tagapagpaganap Blg.134 na kumikilala sa Tagalog bilang ating wikang pambansa (Pamatin, n.d.). Ngunit alinsunod sa Kautusang Pangkagawaran Blg.7 na nilagdaan ng kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura na si Jose Romero noong 1959, pinalitan ng Pilipino ang Tagalog bilang ating pambansang wika. Ito ay upang maitatak sa utak ng mga Pilipino ang nasyonalisasyon. Bukod dito, ang Tagalog ay iisa lamang sa mga wikang umiiral sa Pilipinas kaya’t ang pagkilala natin dito bilang ating pambansang wika ay maaari lamang magdulot ng gulo at hindi pagkakaunawaan ng iba’t ibang pangkat ng mga tao (Cabrera, 2009). Nagimulang magtransisyon ang Pilipino patungong Filipino noong 1973. Ayon sa Saligang Batas ng 1973, Artikulo XV, ang wikang pambansa ay tatawaging Filipino at ang wikang Ingles at Pilipino naman ang magiging wikang opisyal na gagamitin ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Muling nagbago ang konstitusyon nang manungkulan si Corazon Aquino bilang pangulo (Jimenez, 2009). Ayon sa Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIV, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino at dapat payubungin at pagyamanin batay sa mga umiiral na wika sa bansa. Bukod dito, kinilala ang Ingles at Filipino bilang mga wikang opisyal habang ang mga wikang panrehyon ay pantulong na wikang opisyal at wikang panturo sa mga rehyon. Mas naging malinaw at ang paggamit ng Filipino sa konstitusyong ito.



PILIPINO PATUNGONG FILIPINO

Noong 1941, sinulat ni Lope K. Santos ang balarila na tumutukoy sa pag-aaral ng wika. Sinulong nito ang A BA KA DA na nakabatay sa wikang Tagalog lamang. Ito ay binubuo ng dalawampu’t na titik: A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y. Wala pa ang mga letrang ‘F’, ‘J’, ‘V’, at ‘Z’ sapagkat itinuturing na mga hiram na titik ang mga ito mula sa Espanyol at Ingles (Agoncillo & Manuel, 2015). Dahil nakabatay ang wika sa A BA KA DA, lahat ng mga salitang Espanyol na may ‘F’ ay nagiging ‘P’. Ang Filipinas ay naging Pilipinas at ang Filipino ay naging Pilipino. Dahil dito maituturing na anak ng Tagalog ang wikang Pilipino. Naging kontrobersyal ang paggamit ng Pilipino bilang tawag sa pambansang wika. May iilan na nagsasabing ang Pilipino ay Tagalog pa rin sapagkat ito ay nakabatay sa A BA KA DA ng mga Tagalog. Hindi rin makatawan ng A BA KA DA ang ilan sa mga tunog ng mga wikang katutubo. Dahil dito, inakusahan ng “purismo” ang Surian ng Wikang Pambansa kaya dinagdagan ito ng mga letrang ‘F’, ‘J’, ‘V’, at ‘Z’ na mayroon pala sa mga wikang katutubo tulad ng Ibanag, Ivatana, Ifugaw, Bilaan, at iba pa upang makabuo ng panibagong alpabeto (Komisyon sa Wikang Filipino, 2014). Pinalitan ang baybay ng Pilipino sa Filipino upang  itigil ang kaisipan na Tagalog pa rin ang wikang pambansa at mas payamanin at linangin ang Filipino batay sa mga katutubong wika.



PAGPAPALAGANAP NG WIKANG FILIPINO
Alinsunod sa Republic Act No.7104 noong 1991, binuwag ang Surian ng Wikang Pambansa at pinalitan ng Komisyon sa Wikang Filipino na siyang magpatuloy ng pag-aaral at paglaganap ng wikang Filipino. Ginawa ng ahensiyang ito ang ortograpiyang pambansa na kinakailangan para sa epektibong pagtuturo ng pagbasa at pagsalita sa wikang Filipino (Komisyon sa Wikang Filipino, 2016). Sinasabi rito na kinakailangan natin magkaroon ng sapat na Alpabeto na kakatawan sa mga katutubong wika. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 29 titik (dinagdag ang ë noong 2013) ang alpabetong Filipino. Kinakailangan din ng tuntunin sa pagbaybay upang maging estandardisado ang pagbaybay sa mga salita. Mas magiging ekonomiko at mabilis ang pagtuturo ng wikang Filipino kung magkakaroon ng estandard na pagbaybay (Komsiyon sa Wikang Filipino, 2014). Ayon sa istatistiks ng Komisyon sa Wikang Fililpino, mas dumami ang gumagamit sa wikang Filipino kaya maituturing na ito bilang wika ng bayan o lingua franca. Ito ang nagiging tulay ng bawat sa isa upang magkaintindihan. Epekto ito ng paggamit ng mga guro sa Filipino sa pagtuturo ng mga asignatura sa paaralan at ng sa radyo at telebisyon (Komisyon sa Wikang Filipino, 2016). Dumarami na rin ang mga babasahin na nakasulat sa wikang Filipino. Nagsasagawa rin ng mga programa at aktibidad ang Komisyon sa Wikang Filipino upang mas mapalaganap ang ating pambansang wika. Tuwing Agosto 1-31, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa upang maitatak sa kaisipan ng mga tao ang kahalagahan ng wikang Filipino sa ating mga buhay. Ngunit ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (2016), hindi pa ganap na napalaganap ang paggamit sa wikang Filipino. Ayon sa ahensiya, maaaring mas mapalaganap ito kung magkakaroon tayo ng pambansang gramatika at diksiyonaryo at ng malakihang pagsasalin at paglalathala ng mga libro at artikulo sa wikang Filipino. Hinihikayat rin ang mga iskolar at dalubhasa na gamitin ang Filipino bilang wika ng saliksik at talakayang akademiko. Mahalaga na umunlad at mapalaganap ang wikang Filipino sa ating bansa sapagkat ang paggamit nito ang magiging susi sa ating pag-unlad (Komisyon sa Wikang Filipino, 2014).

Panganganinag

Mula sa aming isinagawang pananaliksik, nakabuo kami ng sari-sarili naming panganganinag ukol sa paksang ito.

CELESTIAL

Ang katagang, “Hindi dapat mapiit sa kung anong wikang ngayon”, na sinabi ni Saussure mula sa isinulat ni Virgilio S. Almario, ay isang batas sa wika na laging nasusunod noon at masusunod kahit pa sa hinaharap. Ang wika ay dapat laging nagbabago ayon sa mga pangangailangan ng mga gumagamit nito. Mapaunlad at mapayabong ang wika natin upang lalong mas maging kapaki-pakinabang ang dapat na ating maging pangunahing layunin.

Maraming banyaga ang sumakop sa ating bansa na malaki ang naging impluwensiya sa ating wika. Nasyonalisasyon at modernisasyon ang nahanap na solusyon upang muling magkaroon ng wikang pambansa. Binatay nila ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo na sa aking paningin ay isang malaking hakbang para sa pagkakaroon natin ng sariling pagkakakilanlan bilang Pilipino.

Isa sa problema ng ating bansa ay ang kawalan ng suporta ng pamahalaan sa mga institusiyon at ahensiyang nagsusulong ng mga plano tungkol sa pagunlad ng Wikang Pambansa.  Ilan sa mga plano na ito ay ang Batas Komonwelt Blg. 184 para sa National Language Institute, ang naging Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language) na hindi naisagawa na maari sanang magkaroon ng maraming mabuting epekto para sa pagpapalaganap ng ating wika. Matagal na walang nangyaring pagkilos na ibig sabihin ay matagal din na walang pag-unlad na nangyari sa wika natin. Maraming kakulangan at problema na dapat harapin sa pagpapalaganap at pagpapayaman ng Filipino bílang wikang pambansa. Ang pagtukoy sa mga ito ay hindi sapat at dapat ay humanap ng solusyon upang di mapagiwanan ang Pilipinas sa pagunlad sa wika. Dapat ay hindi mag-away sa halip na ay magkaisa upang magkaroon ng kaisahan ang literal na watak-watak nating bansa .
Isipin natin na ang ating wika ay isang halaman. Ito ay dinidiligan at inaalagaan upang lalong yumabong at magkaroon ng bunga. Ang pagdidilig at pag-aalaga ay maihahalintulad sa mga gawain at proyekto para sa ikakasulong ng wika. Kapag ito’y patuloy na walang sawang ginagawa, magreresulta ito sa pag-unlad ng ating wika. Ilang halimbawa nito ang pagkakaroon natin ng iba’t ibang diyalekto moderno tulad ng jejemon, bekimon, at iba pa.
Ang DepEd ay isinusulong ang proyektong MTB-MLE(Mother Tongue Based - Multlingual Education). Naatasan gumamit  ng sariling wika” (mother tongue o MT) na kailangang pairalin at gamítin sa isang probinsiya o rehiyon. Malaking tulong ito upang mas lalong maintindihan ng mga estudyante ang kanilang pinag-aaralan. Sa kasamaang palad, kulang ang mga materyales katulad ng teksbuks sa mga eskwelahan sa mga probinsya na nakasulat sa kanilang “mother tongue”.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------
CORONEL
          Sa aking pagsasaliksik ukol sa binigay na paksa, nadiskubre ko na mayroong mga pagbabago at iba pa ukol sa kasalukuyang wikang pambansa na “Filipino” na hindi ko alam o di naging klaro sakin bilang mag-aaral. Itunuro sa amin noong ika-7 baitang ang bagong ortograpiya ngunit ito’y hindi naming nadala sa mga susunod na taon. Hindi rin naman sa wala kaming alam tungkol sa isyu na babaguhin ang pangalan ng bansa, mula “Pilipinas” magiging “Filipinas”. Sa isang punto kami’y sinabihan o kaya napanood namin sa telebisyon o napakinggan sa radio. Ngunit, hindi naming nalalaman kung ano ang naging konklusyon sa mga isyung ito at sila ay madaling nawala na sa aming kamalayan.

           Sa aking pag-aaral, nabuo ko ang persepsyion na hindi ginagamit ang mga tunog na f, v, at z ng mga Pilipino bago dumating ang mga mananakop. Sa unang pagna-nasyonalismo ng pambansang wika, maraming mga tunog at letra ay di sinama sapagkat hindi ito laganap sa tagalog. Dahil dito, napagkakamalan ang c, f, v, at z bilang mga letrang banyaga o kolokyal na hiram laman sa wikang Ingles at Espanyol. Sa

usapan ng sariling wika, hindi binibigyang halaga ang mga tunog na ginagamit ng ibang rehiyon.
           Sa unang tingin, iisipin ko na mabuting bagay na sinasama na ngayon ang alpabeto ng ibang rehiyon sa Pilipinas sa pambansang wika. Ngunit kung ibibigay ko ang aking tunay na opinyon, parang may kaagam-agam ukol sa sinasabi ng KWF dito. Kahit ang sinasabing dahilan ng KWF sa mga naging pagbabago ay “may mga rehiyong gumagamit ng mga tunog na ito”, parang hindi sakop ng dahilang ito ang lahat ng pagbabago kanilang ginawa. Mabuting isipin na mayroon nang mga tunog at letra ang ibang rehiyon na tumutukoy na sa mga dating kinikilala bilang banyagang letra, ngunit sa tingin ko hindi sapat ang ginagawa ng KWF kung ang dahilan nila ay katulad talaga ng kanilang binanggit. Sapagkat, kung ang nais talaga nilang ipagyaman ang pambansang wika gamit ang wika ng ibang rehiyon maliban sa tagalog, bakit hindi sinasama ang mga iba pang bahagi at bokubularyo ng wika ng ibang rehiyon?
            Sa pangklahatan mabuting bagay na dinagdag ang mga letrang ito sapagkat sila ay ginagamit talaga ng mga Pilipino. Kultura naman talaga ng isang buhay na wika na ito ay naiimpluwensyiahan ng iba at nagbabago. Sa tingin ko, ang pagmamalaki ng wikang panrehiyon mismo ay dapat bigyang pansin din hiwalay sa KWF. Di ako sigurado kung kailangan isama pa ang mga wikang ito sa pambansang wika, ngunit wala namang dapat pumigil kung mangyayari ito mag-isa. Opinyon ko lang na prioridad dapat ng KWF gawing mas standardized ang gramatika at baybay ng Filipino, at ipagpalaganap ito. Hiwalay dapat ngunit kailangan naroroon rin ang pagkilala sa ibang wikang panrehiyon. Kailangan pagpahalagahan ang mga wikang ito rin at bigyang pansin sa mga isyu tulad ng edukasyong pambansa at iba pa.
Ang pagkawasto ng mga pagbabagong nangyayari sa wika ay malaking debate. Kahit na isinasama ang mga letrang c, f, v, atbp. sa alpabetong Filipino, minsan rin lang naman itong gamitin sa pambansang wika. Sa totoo lang, para sakin ang bagong ortograpiya ay pagpilit lamang na gamitin ang mga letrang ito kahit madalas na binabaybay pa rin ang f sa p, ang c sa k, at ang v sa b. Madalas ginagamit lang ang mga letrang ito ng ibang rehiyon o kaya kung kalian gumagamit ng mga hiram na salita na di na mapapalitan ng baybay. Sang-ayon ako sa pagdadagdag ng alpabetong ito sapagkat ginagamit ito ng ibang rehiyon, ngunit ang pagbago ng ortograpiya ng Filipino mismo upang magamit ang mga letrang ito ay nakakapagtaka. Bakit hindi nalang hayaan na gamitin ng ibang rehiyon ang mga letrang ito base sa kanilang kinasanayan, at di na gawing mas komplikado pa ang Filipino, na sarili na niyang wika.
Sa dulo, hindi rin naman pinagpatuloy ang pagsunod sa karamihan dito.  O kaya, kung ako ay nagkakamali lamang, mabagal o di konsistent ang pagturo at palaganap nito. Dapat kung may napag-desisyunan na ang KWF, ipagpatupad na ito ng mas maayos. Dapat isama na sa kurikilim ang standard ng pagbaybay, pagpantig, paggamit ng hiram na salita, atbp. para magkaroon ng kaayusan ang wika.
Mayroon din ang isyu ng pagpalit ng “Pilipinas” sa “Filipinas”. Sa tingin ko, kahit ito ay nasa batas, ito ay isang bagay na di kailangan ipagpatuloy ng bansa. Maliban sa karamihan ng institusyon ang gumagamit ng “Pilipinas”, ang mga Pilipino mismo ay kumikilala sa bansa nila bilang Pilipinas. Ito ay nakilala na nating pangalan ng ating bansa at ito ay dinirekta ng ilang siglo ng kasaysan. Hindi dapat ang batas ang nagdi-direkta ng wika, ang wika ay nagpapalaki sa kanyang sarili, at dapat ang batas ay maging kanyang gabay. Trabaho ng batas na patuloy na ipagpahalaga at ipagpalaganap ito sa utak ng mga mamamayan.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------
MAON
Dahil ang Pilipinas ay isang arkipelago, natural lamang na magkaroon tayo ng iba't ibang wika na nagiging sanhi sa hindi pagkaka-unawaan ng mga Pilipino. Sa kadahilanang ito, dapat lamang na magkaroon tayo ng "wika ng bayan" na hinango sa iba't ibang wikang umiiral dito sa bansa. Kinakailangang makatawan nito ang lahat ng tunog na maririnig sa mga katutubong wika. Hindi naging madali ang pagpili sa wikang ito sapagkat maraming bagay ang maaaring makaapekto dito. Sa paggamit ng wikang Filipino bilang ating pambansang wika, maiiwasan natin ang hindi pagkaka-unawaan ng mga tao dulot ng pagiging "purismo" di umano ng Komisyong Pangwika. Wala ring iisang wika ang mamamayapag sa ating bansa kaya ang bawat wikang umiiral dito ay patuloy na uunlad. Ngunit magiging balewala lamang ang pagkakaroon natin ng wikang Filipino kung hindi natin ito gagamitin at pahahalagahan.

     Mula sa aking mga nabasang artikulo, mahalaga ang papel ng nasyonalisasyon at modernisasyon upang patuloy na mabuhay at umunlad ang wikang Filipino.  Masasabi natin na kapag umunlad ang ating wikang pambansa, maaari na nating makamit ang matagal na nating inaasam na kaunlaran at kaginhawaan. Ngunit sa kasalukuyan, mukhang matagal-tagal pa natin ito makakamit.

     Dahil ilang taon ding sinakop ng mga dayuhan ang Pilipinas, talamak pa rin ang colonial mentality sa ating bansa. Ito ang nagiging sanhi kung bakit hindi umuunlad ang wikang Filipino. Nagdudulot din ito ng mababang pagtingin ng ilang mga Pilipino sa ating pambansang wika. Minumungkahi ng ilan na gawing Ingles ang ating pambansang wika sapagkat ito ang tinuturing na universal language. Ngunit sa tingin ko, hindi ito magdudulot ng magandang epekto sa ating bansa. Ang pambansang wika ang sumasalamin sa kultura ng ating bansa kaya kasabay ng paghirang sa Ingles o iba pa bilang ang ating pambansang wika ang pagkawala ng sarili nating identidad bilang isang bansa.

     Upang maiwasan ang pagkamatay ng wikang Filipino, kinakailangang gumawa ng mga hakbang ang ating gobyerno sa pagpapaunlad nito. Ang pagtatag ng Komisyon sa Wikang Filipino ang nagsilbing simbolo ng pag-asa ng mga Pilipino na hindi kailanman mamamatay ang wikang Filipino. Sa tulong nito at ng iba't ibang ahensya, patuloy na uunlad ang ating pambansang wika. Kahit na maliit ang badyet ng ahensiyang ito kumpara sa iba, marami pa rin itong nagagawa para sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ang paggawa ng ortograpiyang pambansa, pagbago sa ating alpabeto, at ang paggawa ng estandardisadong pagbabaybay ay iilan lamang sa mga nagawa ng ahensiyang ito upang mas mapadali ang pag-aaral natin sa wikang Filipino. Patuloy rin isinasagawa ang Buwan ng Pambansang Wika upang mas mahalin at gamitin natin ito.

     Mahalaga rin ang papel ng ating mga guro upang mas gamitin at maunawaan natin ang wikang Filipino. Nung hindi pa ako nag-aaral sa Pisay, hindi ko masyadong ginagamit ang wikang Filipino. Mababa ang pagtingin ko rito sapagkat palagi kong inisip na kapag ginamit ko ito, maituturing akong hindi edukado. Hindi rin nakatulong ang pagpapatupad ng “English only policy” sa dati kong paaralan. Ngunit simula nung nag-aral ako sa Pisay, mas pinahalagahan ko ang ating pambansang wika. Dahil sa epektibong pagtuturo ng mga guro dito, mas nakita ko ang kagandahan ng wikang Filipino. Sa kasalukuyan, nawala na ang mga hindi magagandang pag-iisip ko tungkol sa ating pambansang wika.



Listahan ng Sanggunian

[1] Agoncillo, B., & Manuel, M. (2015, Agosto 1). What the ‘f’: Kung bakit ‘Filipino’’,
hindi ‘Pilipino’. Mula sa http://news.abs-cbn.com/focus/08/01/15/what-f-kung-
bakit-filipino-hindi-pilipino
[2] Cabrera, V. S. A. (2009, Agosto 16). Tagalog noon, ngayon naman ay Filipno. Mula sa
http://www.pilipino-express.com/eh-kasi-pinoy/tampok-pinoy/538-tagalog-noon-
ngayon-naman-ay-filipino.html

[3] Jimenez, F. (2009, Agosto 28). Filipino, Pilipino o Tagalog? Mula sa http://www.gma
network.com/news/news/nation/170936/filipino-pilipino-o-tagalog/story/
[4] Komisyon sa Wikang Filipino. (2014). Madalas itanong hinggil sa wikang pambansa
[PDF file]. Mula sa http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/2015/12/FAQ_2.4.15-
1.pdf
[5] Komisyon sa Wikang Filipino. (2016). Isang sariling wikang Filipino [PDF file]. Mula sa
http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/2015/12/Isang-Sariling-Wika-Filipino.pdf
[6] Pamatin, A. (n.d.). Kasaysayan ng wikang Filipino. Mula sa https://www.academia.
edu/7593747/Kasaysayan_ng_wikang_filipino

Comments

Popular posts from this blog

BLOCK G: KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT

Block C: Ang Kape sa Pilipinas

Block C: Indie Films