BLOCK G: KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT


KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT

  1. Daloy ng Presentasyon
  1. Sisimulan agad ang presentasyon sa pagtalakay ng kasaysayan ng Pamahalaang Komonwelt.
  2. Itatalakay pagkatapos ang Batas Komonwelt Blg. 184 at ang Surian ng Wikang Pambansa.
  3. Ihahati namin ang klase sa dalawang grupo at bibigyan sila ng ilang mga punto laban sa o para sa pagpili ng Tagalog bilang basehan. Pagkatapos, magkakaroon ng maikling debate ang dalawang grupo, kung saan magsasaad ng punto ang parehong panig nang mga tatlong minuto. Pagkatapos ng mga argumento ay pwedeng magtanong ng mga tanong sa kabilang grupo upang tanggalin ang tibay ng kanilang argumento. Kung sino ang “panalo” ng debate sa aming mga nagpepresenta ay bibigyan ng premyo.
  4. Pagkatapos, tatalakayin namin ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 at ang papel ni Manuel L. Quezon bilang “Ama ng Pambansang Wika,” at ang pagtatag ng pambansang wika bilang isang opisyal na wika ng Pilipinas.

  1. Impormasyon ng Paksa
  1. Pagtatag ng Komonwelt
    1. Ang unang hakbang patungong kalayaan ng Pilipinas, ay ang Jones Act na itinatag noong ika-29 ng Agosto, 1916. Ito ay nagtatakda na Pilipinas ay makakamit ang kasarinlan kung handa na itong pamunuan ang sariling bayan.
    2. Ang Hare-Hawes-Cutting Act ay naipasa noong ika-17 ng Enero, 1933. Ito ang unang batas kung saan mayroong nakatakdang petsa para sa kalayaan ng Pilipinas. Ito’y hindi naaprubahan sa Senado ng Pilipinas dahil sa ibang mga kondisyon.
    3. Ang huling hakbang sa kalayaan ay noong ika-24 ng Marso, 1934, kung saan si Franklin D. Roosevelt and namumuno sa panahong ito. Ipinagtibay niya ang Batas Tydings-McDuffie ang batas para sa kasarinlan ng Pilipinas. Ito’y naaprubahan sa Senado ng Pilipinas
      1. Nagtawag ng Kumbensyong Konstitusyonal na pinamumunuan ni Claro M. Recto
        1. Dito ibinalangkas ang Saligang Batas ng 1935
          1. Ito ang gamit na basehan sa pamamalakad ng pamahalaan noong Panahon ng Komonwelt.
          2. Isa sa mga probisyon ng Saligang Batas ang paghahanap ng pambansang wika na ibabatay sa iba’t ibang umiiral n wika.
      2. Nagtatag ng Pamahalaang Komonwelt
        1. Ang naging Pangulo ay si Manuel L. Quezon
        2. Pangalawang Pangulo, na si Sergio Osmeña.
  2. Pambansang Asemblea
    1. Noong ika - 8 ng Pebrero, 1935, pinagtibay ang konstitusyong ng Pilipinas, at niratipika ito sa ika-14 ng Mayo ng taong iyon.
    2. Ang bagong pamahalaan ay nagsimula lamang noong ika - 15 ng Nobyembre, 1935.
  3. Batas Komonwelt Blg. 184
    1. “AN ACT TO ESTABLISH A NATIONAL LANGUAGE AND DEFINE ITS POWERS AND DUTIES”
    2. Inaprubahan ika-13 ng Nobyembre, 1936
    3. Isinulat ni Norberto Romualdez
    4. Itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (National Language Institute)
    5. Ang tungkulin daw ng SWP ay pag-aralan ang mga wika sa Pilipinas, pumili ng basehan para sa wikang pambansa, at pagkatapos aprubahan ng pangulo ang pambansang wika ay protektahan at ipayaman pa ito lalo
  4. Surian ng Wikang Pambansa
    1. Mga Kasapi:
      1. Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte; pinuno)
      2. Santiago A. Fonacier (Ilokano)
      3. Filemon Sotto (Cebuano)
      4. Casimiro F. Perfecto (Bikol)
      5. Felix S. Salas-Rodriguez (Panay)
      6. Hadji Butu (Moro)
      7. Cecilio Lopez (Tagalog; sekretarya)
    2. Isinaad sa Batas Komonwelt Blg. 184 ang tungkulin ng SWP:
      1. Pag-aaralan ang lahat ng mga pangunahing wikang umiiral sa Pilipinas,
      2. Ilista ang mga salitang parehong tunog at ibig sabihin sa mga wikang ito, pati na rin ang mga salitang parehong tunog o malapit ang tunog sa isa’t isa, ngunit iba ang ibig sabihin
      3. Hanapin ang pangkalahatang ortograpiya at ponetika ng mga wika sa bansa
      4. Pag-aralan at ikumpara ang mga unlapi, gitlapi, at hulaping ginagamit
      5. Piliin ang wikang pinakabuo sa istruktura at pinakanalalaganap sa panitikan sa bansa upang maging basehan ng wikang pambansa
    3. Sa pagtatag ng wikang pambansa, ang tungkulin ng SWF ay:
      1. Gumawa ng diksyunaryo, pati na rin ng balarila sa pambansang wika
      2. Pangalagaan ang “tamang ibig sabihin” ng mga salita at tanggalin ang mga di-kailangang banyagang salita sa bokabularyo ng wikang pambansa
      3. Gamitin ang mga wika sa Pilipinas, Kastila, at Ingles upang ipayaman pa ang wikang pambansa
      4. Gamitin ang Latin at Griyego kapag gagawa ng bagong salita, lalo na sa agham, teknolohiya, at panitikan
    4. Napili ang wikang Tagalog bilang basehan ng wikang pambansa noong ika-9 ng Nobyembre, 1937. Ibinigay ang mga dahilan na:
      1. Sinasalita at nauunawaan ang Tagalog ng maraming tao at rehiyon ng bansa
      2. Hindi ito nahahati sa mas maliit pang mga wika
      3. Mayaman ang panitikang nakasulat sa Tagalog kumpara sa ibang wika
      4. Ito ang wika ng Maynila, ang kapital ng Pilipinas
      5. Ito ang wika ng Himagsikan at Katipunan, na mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas
  5. Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134
    1. “PROCLAIMING THE NATIONAL LANGUAGE OF THE PHILIPPINES BASED ON THE “TAGALOG” LANGUAGE”
    2. Inilagda ni Pangulong Manuel L. Quezon noong ika-30 ng Disyembre, 1937
    3. Itinatag na ang Tagalog ang magiging basehan ng pambansang wika ng Pilipinas
    4. Dahil basehan lang ang Tagalog, HINDI pareho ang Filipino at Tagalog, ngunit marami itong pagkakatulad.
    5. Dahil siya ang naglagda ng proklamasyong nagtatatag ng pambansang wika, kilala si Quezon bilang Ama ng Pambansang Wika
  6. Alpabetong Abakada
    1. Iginawa ni Lope K. Santos upang mabigyan ng representasyon ang mga tunog sa wikang Tagalog.
    2. A - B - K - D - E - G - H - I - L - M - N - NG - O - P - R - S - T - U - W - Y
  7. Batas Komonwelt Blg. 570
    1. “AN ACT MAKING THE FILIPINO NATIONAL LANGUAGE AN OFFICIAL LANGUAGE FROM THE FOURTH OF JULY, NINETEEN HUNDRED AND FORTY-SIX”
    2. Ipinasa noong ika-7 ng Hunyo, 1940
    3. Sinabi na simula ika-4 ng Hulyo, 1946, opisyal na wika na ng Pilipinas ang wikang pambansa

  1. Panganganinag
    AGUBA
Maraming naganap sa panahong Komonwelt ukol sa pagtatag ng isang tunay na pambansang wika.1 Sa panahong ito naitaguyod ang Surian ng Wikang Pambansa at napili ang Tagalog bilang basehan ng isang pambansang wika.2 Kahit na wala pa ang terminong “Filipino” noon, sa panahong ito matatalunton ang pagkakalito sa kaibahan ng Tagalog sa Filipino.3 Kahit na may kaibahan ang dalawang wikang ito, makikita lamang ang kaibahang ito sa mga teknikalidad.4 Ayon sa gobyerno natin, ang Filipino ay base lamang sa Tagalog at bukas sa pagkayaman galing sa mga ibang wika ng Pilipinas.5 Ang halimbawa na madalas nabibigay rito ay ang kaibahan ng “upuan” at “salumpuwet.”6 Ipinapahiwatig ng “kaibahan” na ito na ang Tagalog ay mas strikto sa Filipino.7 Ngunit, makikita rin sa ibang wika ng Pilipinas na maaari rin silang kumuha ng salita galing sa ibang wika kahit na may salita na sila para roon, kaya wala masyadong dahilan kung bakit makikita na mas strikto ang Tagalog.8

Bukod pa rito, hindi ako sang-ayon sa proseso at dahilan sa paggawa ng pambansang wika dati.9 Ngayon, mayroong 170+ na wika sa Pilipinas, na nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng kultura sa ating arkipelago.10 Para sa akin, hindi maganda ang pagpili ng iisang wika lamang upang maging basehan ng isang wika na nais kumatawan sa lahat ng kulturang makikita sa bansa natin.11 Kahit na marami noon ang nagsasalita ng Tagalog kaysa hindi, marami rin ang hindi nagsasalita ng Tagalog.12 Pwede ring gamitin ang katwirang ito para sa ibang wika, Ilokano man ito, o Cebuano, o Chavacano.13 Kung nais talaga nila noon na bigyan ang lahat ng iisang wika, dapat nagamit ng SWP noon ang kanilang mga aral ng malalaking wika noon at maghanap ng isang paraan upang gumawa ng isang wikang nagsasama-sama ng lahat ng aspeto ng kani-kanilang wika: salita, istruktura, at ponolohiya nito.14 Dito, makikita ang problema sa paggawa ng isang wikang kumakatawan ng lahat.15 Sa sobrang dami at yaman ng kulturang makikita sa bansa natin, walang iisang wika ang makakakatawan, dahil ang isang umiiral na wika ay hindi magiging patas (hal. pagkuha ng Tagalog bilang basehan).16 Upang maging patas, ang isang pambansang wika ay kailangang gawin talaga (tinatawag na artificial language) o kaya naman ay kinuha galing sa ibang bansa (hal. ang paggamit ng ilang mga bansa ng Ingles o Pranses bilang kanilang pambansang wika).17

Isa pang problema sa pambansang wika bukod sa proseso ay ang dahilan kung bakit kailangan nilang magtatag ng isang pambansang wika.18 Naiintindihan ko ang pangangailangan para sa isang wikang masasalita ng buong bansa, o lingua franca, para sa madaling komunikasyon.19 Nagkakaproblema ako sa pag-ugnay ng iisang wika sa iisang identidad bilang Pilipino.20 Hinihinala ko na sa pag-ugnay na ito lumilitaw ang dahilan kung bakit may problema ang Ilokano o Bisaya sa pagbabase ng pambansang wika sa Tagalog.21 Sa pag-uugnay na ito, pwedeng makita na mas kinakatawan ng mga Tagalog o nagsasalita ng Tagalog ang “pagka-Pilipino” kaysa sa mga hindi nagsasalita.22 Nakita ko ang pananaw na ito sa karanasan ko bilang isang taong ipinalaki kasama ang mga taong nagsasalita ng Tagalog at Ilokano.23 Hindi ako marunong magsalita ng Ilokano dahil hindi ko naramdaman na kailangan magsalita ng Ilokano sa mga taong kasama ko.24 Isa pang dahilan dito ay hindi ko naramdaman na kailangan ko magsalita ng Ilokano para maging isang tunay na Pilipino, sapat na ang Tagalog.25 Sa pagkaugnay na ito, makikita kung bakit gusto ng mga tao ang patas na representasyon ng kani-kanilang mga wika sa pambansang wika.25 Tinatago ng pambansang wika na base lamang sa isang wika ang tunay at magandang dibersidad ng kultura sa ating bansa.26 Kung nais talaga ng ating gobyerno na iugnay ang pambansang wika sa pambansang identidad, dapat gumawa sila ng paraan na maisama ang aspeto ng mga wikang maraming nagsasalita, hindi lamang ang iisang umiiral na wika.27 Ngunit dahil hindi ginawa ito noong panahong Komonwelt, mayroong pagkakalito at kaunting away tungkol sa ating pambansang wika.28

Nais ko lang linawin na walang kasalanan ang wikang Tagalog o ang mga taong Tagalog sa pagkakalito ng Tagalog sa pambansang wika.29 Hindi rin kasalanan ng SWP na pumili ng Tagalog - ginawa lang nila ang pinagawa sa kanila ng batas: pumili ng isang wikang magiging basehan ng pambansang wika.30 Nais ko lamang na mapakita na ang paraan sa paggawa ng pambansang wika ay may implikasyon sa identidad ng isang tao bilang mamamayan ng bansa, at ang implikasyon ng pambansang wika sa pagkatawan sa tunay na pagkakaiba-iba ng ating bansa.31

    MACLING

Ako ay sang-ayon sa pagkakaroon ng isang pambansang wika, upang maintindihan natin ang bawat isa.1 Ang lahat ng bawat rehiyong may kanya-kanyang kultura ay dapat napagbubuklod nito, ngunit kalimitan ay hindi ito nangyayari.2 Sa halip, ang pambansang wika natin ngayon ang nagdudulot ng pag-aaway ng iba’t ibang partido sa bansa.4

Kahit wala pa man akong nasasaliksik, malinaw na ang pambansang wika ay katulad ng wikang Tagalog.5 Ito’y nakapagtataka na ang wikang kumakatawan sa pagiging isang Pilipino ay nililimita sa mga nagsasalita lamang ng Tagalog.6 Bago ako nagsaliksik ukol dito, hindi ako sumasang-ayon sa desisyong nagawa, na Tagalog ang pagbabasehan ng wikang pambansa, dahil hindi ito makatarungan sa iba, na ang kanilang pagkakatao at pamumuhay ay hindi nabibigyan ng sapat na halaga.7 Habang nanaliksik kami tungkol sa kasaysayan ng wika sa panahon ng komonwelt naintindihan ko kung bakit minadali nila ang pagkakaroon ng isang pambansang wika, kung kaya’t kumuha na lamang sila ng pagbabasehan nito.8 Naiintindihan ko rin kung bakit Tagalog ang napiling basehan para sa pambansang wika.9 Ang hindi ko maunawaan ngayon, ay ang hindi nila pagrebisa ang wikang Filipino, upang mabigyan na ngayon  ng mas mabuting representasyon ang iba pang wika.10 Ginawa ang wikang Filipino bilang isang mapagbagong pambansang wika, kaya walang dahilan kung bakit hindi natin idahan-dahan ang pagbabago nito upang maisama ang iba’t ibang istraktura ng bawat wika na umiiral.11

Ayon kay Christopher Whitehead, ang wika ang siyang sumasalamin sa kultura at pamumuhay nang taong gumagamit nito.12 Hindi makikita ng mundo ang buong “pagkakatao” ng ating bansa kung ang pambansang wika natin ay sumasalamin lamang sa partikular na grupo.13 Kung mapapakita natin ang kahalagahan ng bawat Pilipino, kahit ano pa man ang wika ang kanilang sinasalita, nakatitiyak ako na ang pagtatalo ng iba’t ibang rehiyon ay hihinto.14 Kung gayo’y, mas mabibigyan natin ng pansin ang ibang umiiral na problema sa Pilipinas.15 Mahaharap natin ang mag ito, ngayon, bilang isang bansa, at hindi watak-watak.16

Ang problemang ito ay umiiral noon pa man, ngunit hindi pa natin naaayos.17 Sa aking pananaw, isa ito sa mga indekasyon na ang Pilipinas ay hindi pa talaga handang magpatakbo ng sariling pamahalaan ng walang pangangasiwa.18 Masyado nating minadali ang mga bagay-bagay na hindi naman dapat.19 Bagamat ito ang aking nararamdaman, hindi na natin pwedeng balikan ang nakaraan.20 Kinakailangan natin maging maingat sa mga desisyon na ating gagawin para sa bansa.21 Dapat isa ito sa mga iniisip ng ating kasalukuyang pangulo, dahil kung anu-ano ang sinasabi niya, mapamura, o nambabastos man siya.22 Kinakailangan rin nating magkaroon ng bukas na isip sa mga mungkahi dahil pwede natin gamitin ito upang mapabuti ang sistema ng gobyerno.23 Ito rin ang isa sa mga iniisip ng kasalukuyang gobyerno dahil binabalewala nila ang ibang mga mungkahi ng tao, na makabubuti naman sa lipunan.24
       
    Sa kabuuan, naniniwala ako na kahit hindi pa perpekto ang sistema natin, kaya natin umunlad bilang isang bansa.25 Kung maayos natin ang problema sa pagkakaisa, mas madali na nating masasagot ito.26 Bago natin ito natin magawa, kailangan muna natin ayusin ang problema na hinaharap ukol sa komposisyon ng ating wikang pambansa.27 Nakakatuwang isipin ang hinaharap ng Pilipinas kung masasagot ang problemang ito.28 “Mas malakas tayo kung magsama-sama tayo sa halip na magkawatak-watak tayo”.29 Naniniwala ako dito at kung magawa natin ito, makakmit natin ang ating minimithi.30

REGALA

Madalas, sa aking pagkabata, ay naipagpapalit ang salitang “Tagalog” sa “Filipino”.­1 Dati’y hindi lamang Filipino ang sagot sa tanong na “ano ang ating pambansang wika?”2 Magkahalintulad ang Filipino at Tagalog, lalo na’t marami sa mga salitang Filipino ang nahango sa mga salitang Tagalog.3 Ngunit, nangangahulugan ito na ang wikang Filipino ay hindi gaanong nakabase sa iba pang rehiyunal na wika.4
Sa pagsasaliksik namin ay nalaman kong Tagalog ang naging pinakaunang batayan ng wikang Filipino.5 Ang Surian ng Wikang Pambansa, na itinatag noong panahon ng Komonwelt, ang pumili ng wikang Tagalog bilang basehan ng Filipino.6 Marahil nga ay Tagalog ang pinakamainam na batayan noon, sa mata ng mga pumili.7 Ito ang wika ng Maynila, na siyang sentro ng pamamahala.8 Ito ay nauunawaan ng maming rehiyon sa bansa noon.9 Hindi ito hati sa mas maliliit pang wika.10 Tagalog ang sinasabing may pinakamayamang kultura.11 Ang pagpili rin ng Tagalog ay isa ring pagkilala sa Katipunan at sa rebolusyon.12 Ngunit, kung titignan, hindi ito kumakatawan sa lahat ng Pilipino.13
Ang wika, ayon kay Archibald Hill, ay ang kaluluwa ng lupinang gumagamit nito.14 Ayon kay Christopher Whitehead, isa naman itong salamin ng lipunan.15 Ang kaluluwa ay ang “essence” o diwa ng isang tao; ang salamin ay nagbibigay ng repleksyon ng anumang nasa harap nito.16 Kung ang wika ay kaluluwa ng lipunan, dapat ay matatagpuan sa wika ang pinakamahalagang aspeto ng lipunang gumagamit nito.17 Kung ang wika ay isang salamin, dapat ang kultura ng lipunan ay makikita rito.18 Ngunit, dahil ang naging batayan ng wikang Filipino, ang pambansang wika, ay ang wikang Tagalog, na wika lang ng iilan, hindi ito isang salamin o isang kaluluwa ng mga Pilipino noong ito ay unang binuo.19 Ito ay taliwas sa tungkulin ng wikang pagbuklurin ang mga mamamayan.20 Mahirap maganap ang pagbubuklog-buklog na inaasahan kung ang kultura’t wika mga Tagalog ay madidiin sa lahat sa pamamagitan ng pambansang wika na dapat ay taglay ang kutura ng lahat ng tao sa bansa.21
Kung sakaling mas pinagtuunan ng pansin ng Surian ng Wikang Pambansa ang paggawa ng pambansang wikang mas sasalamin sa lahat ng mamamayan kaysa sa paghahanap ng isang wikang pagbabatayan nito, maaaring mas magagawa ng pambansang wika ang tungkulin nitong pagbuklurin ang lahat sa ilalim ng isang pagkakakilanlan.22 Walang pag-aaway at pagtatalo patungkol sa Filipino ang magaganap sa pagitan ng mga Pilipino kung ito lamang ay representatibo ng lahat sa simula pa lamang.23 Ngunit, matagal nang natapos ang desisyon na ito.24
Isang katangian ng wika ang pagiging dinamiko o buhay.25 Bagama’t Tagalog ang naging unang batayan ng wikang Filipino, may mga pagbabago nang naganap sa wikang ito.26 May mga pagbabago nang naganap sa wikang Filipino na hango sa iba pang wika sa Pilipinas, ayon sa mandato ng Saligang Batas ng 1987.27 Habang buhay at ginagamit ang wikang Filipino, patuloy itong magbabago batay sa mga wika ng bansa.28 At habang buhay ang wikang Filipino, patuloy itong madaragdagan ng mga salitang mas sasalamin sa lahat ng Pilipino kaysa sa mga wika ang iba’t ibang rehiyon.29
Hindi naging mainam ang pagkakabuo ng Filipino batay sa Tagalog.30 Natapakan nito ang kultura at wika ng ibang mga rehiyon. Ngunit, habang buhay ang wikang Filipino ay hindi pa huli ang lahat.31 Habang buhay at nagbabago ang wikang Filipino, patuloy itong mas sasalamin sa kultura at buhay ng mga Pilipino.32


  1. Sanggunian

Añonuevo, R.T. (n.d.) Kasaysayan: Paglingon sa Ugat ng Komisyon sa Wikang Filipino.
    Retrieved from: http://kwf.gov.ph/kasaysayan-at-mandato/
Baaco, G., Belgira, A., Bautista, K., Billoso, C., Buendia, A., Cabasco, A., Celino, M., Cenal J.,
    Cruzcosa, A., Coquia, K. (2012).Ang Kahalagan at mga  Kadahilanan kung bakit Wikang
    Filipino ang ating Wikang Pambansa at ang Kaugnayan nito sa Unlad Pang-ekonomiya.
    Retrieved from: https://www.scribd.com/doc/109042737/Ang-
    Kahalagan-at-Mga-Kadahilanan-Kung-Bakit-Wikang-Filipino-Ang-Wikang-Pambansa
    -at-Ang-Kaugnayan-Nito-Sa-Unlad-Pang-ekonomiya.
Corpus Juris. (n.d.). C.A. No. 570: An Act Making the Filipino National Language an Official
    Language from the Fourth of July, Nineteen Hundred and Forty-Six. Retrieved from:
    http://www.thecorpusjuris.com/legislative/commonwealth-acts/ca-no-570.php
Official Gazette of The Philippines (n.d.) Ang Komonwelt ng Pilipinas. Retrieved from:
    http://www.officialgazette.gov.ph/ang-komonwelt-ng-pilipinas/
Official Gazette of the Philippines. (n.d.). Commonwealth Act No. 184 | GOVPH. Retrieved from
    http://www.officialgazette.gov.ph/1936/11/13/commonwealth-act-no-184/
Official Gazette of the Philippines. (n.d.). Executive Order No. 134, s. 1937 | GOVPH. Retrieved
    From: http://www.officialgazette.gov.ph/1937/12/30/executive-order-no-134-s-1937/
PBWorks. (2007). Kasaysayan. Retrieved from http://wika.pbworks.com/w/page/8
    021671/Kasaysayan.
Sergio Osmeña. (n.d.). Retrieved from http://www.apastyle.org/learn/faqs
    /web-page-no-author.aspx
TagalogLang. (2017). Modern Filipino Alphabet : Abakada . Retrieved from:
    https://www.tagaloglang.com/modern-filipino-alphabet/
Teodoro, J.I.E. (2009) Kasaysayan ng Wikang Filipino. Retrieved from:
    http://www.gmanetwork.com/news/news/nation/171158
    /kasaysayan-ng-wikang-filipino/story/



Comments

Popular posts from this blog

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon

Block E: Iba't ibang Susing Salita