Block E: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon
Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon
CRUZ, Ram | ARONA, Geca | TAGUBA, Majian
Daloy ng Presentasyon
- Activity
- Hahatiin ang klase sa tatlong grupo (may siyam na miyembro sa bawat pangkat)
- Pipili ang bawat pangkat ng isang kinatawan
- May isang larawan na ibibigay sa bawat pangkat
- Kailangan nilang ilarawan ang nakalagay sa larawan nang hindi gumagamit ng wikang Ingles
- Iguguhit ng kanilang kinatawan sa board ang inilarawan ng kanilang mga kagrupo.
- Ito ay gagawin para sa tatlong rounds
- Presentasyon ng paksa
Pagtalakay sa Paksa
1. Pagtuturo sa mga Paaralan
a. hindi pinahintulutan ang paggamit ng Wikang Ingles
i. matanggal lahat ng mga impluwensiya ng mga Amerikano
b. tinuro ang wikang Nihonggo at ginawang isang opisyal na wika
i. ang pagasa ng mga Hapon na maikalat ang wikang Nihonggo ay inilagay sa mga eskuwelahan (Gosiengfiao, 1966, p. 235)
c. ang wikang Nihonggo daw ay gustong gawing pangkaraniwan na wika sa “Greater East Asia Co-Prosperity Sphere (Gosiengfiao, 1966, pp.233-234)
d. sinasabi na ang mga mali/masamang ginagawa ng mga sundalong Hapon sa ibang bansa ay dahil sa di-pagkakaintindi nila ng mga ibang wika (Gosiengfiao, 1966, p. 234)
e. Naniniwala ang mga hapon na darating ang panahon na lahat ng tao ay gumagamit ng wikang NIhonggo dahil ang mga Filipino ay natural na lingguwista (Gosiengfiao, 1966, p. 235)
i. "With such linguistic facility, my Filipino friends ought to be able to master conversational Japanese within a short time, say, six months of earnest application." - Hisashi Enosawa (Gosiengfiao, 1966, p. 235)
ii. 'It is guaranteed, that if the listeners tune in regularly everyday, they will be able to understand Japanese used in everyday life at the end of the course." - Radio (Gosiengfiao, 1966, p. 235)
2. Panitikan
a. “Gintong Panahon ng Panitikang Pilipino” (Antonio, Banlaygas, & Dallo, 2013, p. 223)
b. pagsulat ng mga akda sa Wikang Tagalog
c. ipinasunog ang mga aklat sa Wikang Ingles
d. mga anyo ng panitikan (Rubin et al, 2006):
i. maikling katha
ii. tula
iii. dula
Biswal na Presentasyon
Panganganinag
Ram Cruz
Sa tingin ko, isa sa pinaka interesadong nalaman ko tungkol sa panahon ng hapon ay ang paraan na pagbabago nila ng opisyal na wika. Ang layunin nila na maituro ang Nihonggo sa mga Pilipino ay iniasa nila sa mga paaralan. Ang sinasabi nila tungkol dito ay mabilis matututo ang mga Pilipino ng Nihonggo dahil natural silang mga lingguwista. Sa tingin ko, ang paglagay ng tiwala na matuto ang Pilipino sa paraan ng pag-aaral sa eskwela ay hindi maganda. Ang tingin ko sa wika ay mas madali siyang matututunan kapag ginagamit siya sa araw-araw na buhay. Sinasabi ko to dahil sa mga pangyayari sa aking buhay. Sa aking mga kauna-unahang panahon, di ko ginagamit ang Filipino. Ang paggagamit nito, ay, para sa akin, hindi kinakailangan para makadaan ako sa buhay. Ngunit, nung pumunta ako sa Pisay, napilitan akong matuto at gumamit ng Filipino. Bigla nalang ako kinailangang makipag-usap, magbasa, at magsalita sa Filipino, at, sa wakas, natutunan ko ang wika. Subalit baka ang pagtuturo ng Nihonggo sa mga Pilipino sa eskwela ay ang tanging paraan para maituro nila ang wikang ito sa mga Pilipino. Ito ay dahil sa panahon na iyon, may mga “guerilla warfare” na nangyayari. Nagpapakita ito ng pagtutol ng mga ibang Pilipino, at ang pag-ayaw din nilang gamitin ang Nihonggo sa kanilang araw-araw na buhay. Ito ay magiging kapinsalaan sa pagkakatuto ng wika. Sa kabila naman nito, ang mga paaralan, ayon kay Gosiengfiao (1966), ay nagtuturo sa madaming Pilipino.
Ang isa pang nalaman ko sa pananaliksik na ito ay ang pagtanggal ng wikang Ingles na isang opisyal na wika. Sa halip nito, ang ginawang opisyal na wika ay ang Nihonggo. Sa tingin ko, ito’y nagpapakita ng talagang gusto ng mga Hapon. Ang kanilang tunay na layunin ay ang pagpipigil ng mga Amerikanong konsepto at ideya. Upang makamit ito, tinangal nila ang wikang Ingles bilang isang opisyal na wika. Ang gusto nilang kapalit nito ay ang wikang Nihonggo naman. Sa tingin nila, kung pinigilan nila ang paggamit ng isang wika at ipatupad nila ang paggamit ng isa pang wika, ang wika na iyon ay makakapalit nalang sa isa. Hindi ito nangyari. Ang nangyari naman ay nagalit ang mga Pilipino dahil ipinigil ang panggamit ng Ingles. Mas nagalit pa sila dahil ipinapatupad ng mga Hapon ang paggamit ng wikang Nihonggo. Sa tingin ko, dahil dito, nahirapan ang pagkatuto ng mga Pilipino ng wikang Nihonggo.
Sa wakas, masasabi ko na ang panahon ng Hapon ay isang nakakaintrigang panahon. Ngunit hindi ako sasang-ayon na mabuti siyang panahon para sa wika na hindi Tagalog. Ang wikang Ingles ay ipinagbawal at ipinatanggal ng Hapon bilang isang opisyal na wika, at ang Nihonggo naman ay hindi natuto ng mga Pilipino dahil sa mga laban at pagtutol ng mga Pilipinong galit sa mga Hapon. Mabuti nalang, at nabuhay muli at umunlad ang wikang Tagalog noong panahon na iyon.
Geca Arona
Natutunan ko na maraming mga pagbabagong naganap sa Wikang Filipino noong dumating ang mga Hapones. Una, naging isang wikang panturo ang Nihonggo, at ito rin ay ginawang wikang opisyal. Naniwala ang mga Hapon na kusang matututo ng kanilang wika ang mga Pilipino. Para sa akin, maari natin makita ang kagandahan ng paniniwalang ito, na naniniwala ang mga Hapones na may sariling galing ang mga Pilipino sa pagkatuto ng ibang wika. Makikita natin na maaring magbago ang pagkaalam ng isang tao sa mga wika, na maaaring matuto ng mga bagong wika ang sinuman. Magagawa ito sa pamamagitan ng madalas na pakikinig at pakikisalamuha sa mga taong gumagamit ng wikang iyon. Kung nanaisin nating mag-aral ng bagong mga wika, maging wikang lokal man o banyaga, kailangan lang nating magsanay sa tamang paggamit nito. Ang galing natin sa paggamit ng isang wika ay hindi isang bagay na hindi na mababago, dahil nagkakaroon tayo ng pagkakataon na matuto sa bawat paggamit natin sa wikang iyon.
Ikalawa, ipinagbawal ang paggamit ng wikang Ingles sa paaralan o sa pagsulat. Hinikayat ang mga Pilipino na gumamit ng mga lokal na wika gaya ng Tagalog. Ginawan ng mga salin sa Tagalog ang mga salita sa Ingles. Para sa akin, ito ay isang magandang bagay dahil nabigyan ng pagkakataon ang ating mga manunulat na gumamit ng sariling wika. Dahil dito, mas nabigyan ng halaga ang ating wika, at mas yumabong ito. Dahil sa paggawa ng mga katumbas na salitang Tagalog para sa mga salitang Ingles, naging mas madali ang paggamit ng Tagalog sa araw-araw. Nabigyan ng mga bagong paraan ang bawat Pilipino upang maipahayag at maiparating ang kanilang mga nais sabihin.
Ikatlo, ginamit ang Tagalog sa mga opisyal na dokumento. Maaaring mas naging laganap ang paggamit nito dahil naging isa ito sa mga wikang kinikilala at tinatangkilik ng pamahalaan. Sa aking palagay, ang paggamit ng Tagalog sa mga sulatin ng pamahalaan ay naging dahilan upang maging mas makilala ito at mabigyan ng halaga bilang isang wika.
Ikaapat, sinunog ang mga akdang nakasulat sa Wikang Ingles. Ito ay ginawa upang mapigilan ang impluwensiya ng mga ideya ng mga Amerikano sa maaaring maging ideya ng mga Pilipino. Nagkaroon ang mga Pilipino ng sariling pagkakakilanlan bilang isang bayan, dahil nabigyan sila ng kalayaan na mag-isip para sa kanilang mga sarili. Lahat ng mga ipinapahayag noong panahong iyon ay naging bunga ng angking pagkamalikhain at katalinuhan ng bawat Pilipino. Nagkaroon tayo ng pagkakataon na sumulat at magpahayag ng ating mga sariling ideya, nang walang ibang lahing maaaring makaapekto sa ating nais sabihin. Maraming mga akda ang naisulat noong panahon ng mga Hapon. Kabilang na rito ang mga maikling kuwento, mga dula, at mga tula. Dahil sa dami ng mga bagong akdang naisulat noong panahon ng mga Hapon, itinuring itong “Gintong Panahon ng Panitikang Pilipino.”
Makikita natin sa panahon ng Hapones na maaari pa ring umunlad ang wika ng isang bayan kahit na nasa ilalim ito ng pamumuno ng isang lahing banyaga. Makikita natin na hindi natin kailangang tumigil sa paggamit ng ating sariling wika, kahit na tayo ay naiimpluwensiyahan ng ibang mga lahi. Sa halip, dapat ay mas bigyan natin ng halaga at pagtuunan natin ng panahon ang paggamit ng wikang mayroon tayo. Ang paggamit at pagtangkilik pa rin sa wika ang pinaka epektibong paraan upang mapalago ito.
Majian Taguba
Sa panahon na dumating ang mga Hapon sa Pilipinas, marami ang mga pagbabago na nangyari at isa dito ay ang paggamit natin ng wika. Unang una ay pinagbawalan ang paggamit ng Ingles at hinikayat ang paggamit ng Filipino at Nippongo. Ninais ng mga Hapon na ibahin ang kultura ng Pilipinas mula sa pagiging western, na naggaling sa mga Amerikano, at gawing mas oriental. Subalit, ang oriental na kultura na ito ay nakabatay sa kultura ng mga Hapon kaya imbes na mas maging Pilipino ang mga taga Pilipinas, mas napatulad lang tayo sa mga Hapon.
Isa sa malaking pagbabago ng na naidulot ng mga Hapon sa bansa ay ang pagbabawal ng Ingles. Ginawa nila ito para matupad ang kanilang nais na mawala ang impluwensya ng Amerika sa ating bansa. Hinikayat ang mga Pilipino na magsalita ng Filipino at iniutos na sa mga paaralan ay ituro ang Filipino at Nippongo. Mabuti ang epekto ng bagong panuntunan na ito sa wikang Filipino pero ang pagtuturo rin ng Nippongo ay isa sa mga paraan ng pagsasakop ng mga manlulusob sa ating bansa. Gayunpaman, dahil sa kautusang ito, umunlad at dumami ang mga panitikang nakasulat sa pambansang wika. Binigyan nito ng pagkakataon magkaroon ng katangi-tanging pagkakakilanlan ang mga Pilipino kahit sa gitna ng pananakop ng Hapon. Mas magandang ang kinalabasan nito kumpara sa panahon na nasa ilalim tayo ng mga Amerikano. Sa kanila bihira lang ang paggamit ng Ingles, lalo na sa pagtuturo kung saan halos lahat ng aralin ay nasa Ingles.
Ang problema sa panahon ng mga Hapon ay lahat ng inilalathala ay una munang sinusuri ng militar o gobyerno. Dahil dito, limitado pa rin ang kalayaan ng mga Pilipino sa paggamit nila ng kanilang sariling wika. Ang naging malaking problema dito ay nang inumpisahan na nilang gawan ng di tunay na kasaysayan at paghahambing ang mga Filipino at Hapon. Para lang kumbinsihin ang mga tao na tanggapin ang propaganda ng mga Hapon, maraming mga hindi totoo ay nasabi tungkol sa wiakng Filipino. Marami ring pangyayari sa kasaysayan ay ginawa para lang mapalakas ang salaysay na kaakibat lang ng mga Pilipino ang mga Hapon.
Sanggunian
- Antonio, E. D., Banlaygas, E. L., & Dallo, E. M. (2013). Kayamanan: Batayan at sanayang aklat sa araling panlipunan. Manila: REX Book Store
- Balabag, M.B. (n.d.). The Japanese period in the Philippines. Mula sa https://www.scribd.com/doc/27593847/The-Japanese-Period-in-the-Philippines
- Gosiengfiao, V. (1966). The Japanese occupation: "The cultural campaign". Philippine Studies, 14(2), 228-242.
- National Commision for Culture and the Arts. (2015). Development of Filipino, the national language of the Philippines. Mula sa http://ncca.gov.ph/subcommissions/subcommission-on-cultural-disseminationscd/language-and-translation/development-of-filipino-the-national-language-of-the-philippines/
- Rubin, L. T. et al., (2006). Panitikan sa Pilipinas. Quezon City: REX Book Store
- Panahon ng Hapon. (n.d.). Mula sa https://pinoypanitik.weebly.com/panahon-ng-hapon.html
- Wennie TM. (2016). Kasaysayan ng pambansang wika (Panahon ng Espanyol-Hapones). Mula sa http://wennchubzz.blogspot.com/2016/08/kasaysayan-ng-pambansang-wika-panahon.html
Comments
Post a Comment