Block E: KWF: Etnikong Tradisyon

Kasaysayan ng Wikang Filipino: Etnikong Tradisyon
Ethan Catre, Jose Emmanuel Erestain, Mheliza Madrid


Daloy ng Presentasyon
Noong Setyembre 29, 2017 ay nag-presenta kami sa klase ng Block E ukol sa etnikong tradisyon. Nagsimula kami sa pagtalakay ng Oral na Tradisyon, tungkol sa mga panitikang pre-colonial at sa tatlong paghahati ng panahong ito ayon kay Manuel, E. A. (1995). Pagkatapos noon ay tinalakay ang Baybayin. Binigyan namin ng kopyang baybayin ang aming mga kaklase. Tinalay namin kung kailan itong unang ginamit at ang mga katangian nito. Tinalakay rin namin ang Kulitan. Ipinakita namin ang mga letra nito, tinalakay namin kung saang nanggaling at kung paano ito sinusulat o binabasa. At sa huli, tinalakay ang Hanunó'o. Tinalakay namin ang mga katangian nito katulad ng pagtalakay namin sa Kulitan. Pagkatapos ng diskusyon, nagkaroon din ng laro ukol sa pagsasalin ng mga salitang Baybayin. Ang grupo nina Ralph Flores, Edward Medrano at William Celestial ay ang pinakamagaling sa ito, pero mahusay rin ang pagganap ng ilang mga estudyante, katulad ni Kinn Villaluna. Ang mga salitang ginamit para sa larong ito ay Pilipinas, katotohanan, at iskolar.

Mga Impormasyon
Ang una sa tatlong pre-colonial na panitikan ay ang Mythological o Mitolohikal Age. Ang mga kwento sa panahong ito ay tungkol sa paggawa ng mundo, ang ating pinagmulan, at ang mga diyos ng ating ninuno. Ang pangalawa naman ay ang Heroic o Makabayanihang Age, kung saan ang mga kwentong tungkol sa ating mga mandirigma ang binibigyang pansin. Ang pangatlo ay ang Panitikang Katutubo, ito ang mga iba’t ibang bugtong, sawikain, salawikan at iba pa.
Mula sa aming mga sanggunian, nalaman at naibahagi namin sa aming presentasyon, na ang isa sa mga sistemang panulat ng mga sinaunang Pilipino na Alibata ay mas dapat tawaging Baybayin. Ito’y dahil noon, inakalang mula sa alpabetong Arabe ang sistemang ito (Braga, 2014). Ang baybayin ay may 3 patinig at 14 katinig at ito’y ginamit noon upang isulat ang Doctrina Christiana. Ang pinaka-unang dokumentong gumagamit nito ay mula pa noong 1613. Ang dokumentong ito’y nagpapakita ng pagbili ni Don Andres Capiit ng lupa. Sinasabi rin na ang mga sulatin ng baybayin ay nagmula sa mga itsura ng kabibe dahil ito’y ginagamit para sa kanilang mga ritwal. (Comandante, 1969).

Hindi lang Baybayin ang ginagamit na sistemang panulat sa bansa, maraming pang iba tulad ng Kulitan mula sa Kapampangan ng Rehiyon I, at Hanunó'o mula sa mga Mangyan ng Timog Mindoro. Unang natala ang Kulitan noong 1699 na tinawag na culit ni Benavente. Kumukuha ito ng inspirasyon mula sa sulat ng mga Indiyano. Mahirap naman hanapin ang kasaysayan ng iskriptong ito dahil ito ay sinusulat sa kawayan na madaling nasisira.

Nag-iiba talaga ang mga sistema ng panununulat ng dalawang ito; halimbawa, ang Kulitan ay sinusulat ng pababa papuntang itaas at kanan papuntang kaliwa, at ang Hanunó'o ay sinusulat ng pababa papuntang itaas, pero kaliwa papuntang kanan. Ang Baybayin ay hindi isang unibersal na sistema ng panunulat. Ang bawat na mga pangkat etniko ng Pilipinas ay may sari-sariling sistema ng panunulat, base sa lugar at pangangailangan nila. Halimbawa, ang mga Hanunó'o ay gumagamit ng kanila panunulat sa paggawa ng awit ng pagmamahal.



Kulitan


Hanunó'o



Biswal na Presentasyon

























Link para sa powerpoint:


Panganganinag

Mheliza Madrid
Nakakalungkot na hindi pormal na naituturo sa atin ang mga etnikong baybayin. Nakakalungkot din na ito’y halos malimutan na at hindi na ginagamit. Mula sa impormasyong nakuha namin ay makikita na may sariling sistema na ang ating mga ninuno sa pagsulat at mayroon na rin silang sariling wika. Naipapahiwatig nila nang maayos ang kanilang mga sarili. Nagagamit din nila ang kanilang mga salita sa iba’t ibang sining. Nakikita rin na ang kultura nila’y nakatanim sa kanilang mga wika at sulatin.

Mula sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas ay nakikita natin na may sari-sarili silang sistema ng pagsulat at pagsalita. May iba’t ibang paraan sila ng pagsulat at pagbasa nito. Iba’t iba rin ang mga kulturang naghuhugis sa kanila mga baybayin. Nagpapakita ito na hati-hati ang ating mga ninuno noon. Iba’t iba ang kanilang mga paniniwala at tagpi-tagpi ang Pilipinas. At masasabi natin na dahil dito, mas madali tayong nasakop ng mga Kastila. Ginamit nilang instrumento ang salita upang tayo’y masakop. Higit pa roon ay sinunog nila ang sulatin ng ating mga ninuno. Kasama nito ay sinunog na rin nila ang ating kasaysayan at parte ng ating pagka-Filipino. Nakakalungkot na hanggang ngayon ay hindi pa rin natin kilala ang ating mga sarili dahil dito. Kinuha ng mga Kastila ang sariling atin. Sinira nila ito.

Malaki ang nawala sa atin noong sinunog nila ang ating mga sulatin. Ngunit, masaya ako na may mga nakaligtas pa rin. Kahit na onti lang ito, naniniwala ako na ito’y importanteng parte pa rin ng ating kasaysayan bilang mga Pilipino. Marami tayong malalaman ukol sa ating mga ninuno mula sa mga sulatin nila. Marami rin tayong malalaman tungkol sa ating sarili. Sinabi natin na ang kultura ang naghuhugis sa ating wika at salita, at saan pa ba natin malalaman ating kasaysayan kundi mula sa sariling baybayin ng ating mga ninuno? Saan pa ba natin mas maiintidihan ang ating sariling kultura kundi mula rito?

Ang Baybayin, Kulitan, at Hanunó'o ay nagbibigay ng piraso ng ating pagka-Pilipino. Higit sila sa paraan ng pagsulat. Sila’y palatandaan na meron na tayong sistema ng pag-sulat at wika bago pa man tayo sakupin. Sila’y palatandaan na noong unang panahon ay naitaguyod na natin ang ating mga sarili. Sila’y palatandaan na mayroon tayong kultura na higit pa sa ating kolonisasyon. Sila’y palatandaan na kahit ng ninakaw man ang ating kultura, ay kaya pa rin natin itong hanapin.

JM Erestain
Para sakin nakakapagbukas ng mga mata ang pinag-aralan ko dahil sa proyektong ito. Nainteres ako sa lahat ng mga gawang Pilipino. Nakakapanghinayang lang dahil sapagkat mayroon nga tayong sariling sistemang panulat, maraming tao sa bansa’y di marunong gumamit, o kahit man lang alam na mayroong sistemang ganoon. Noon pa man sa aking mga taon sa grade school ng Ateneo, natutunan ko na ang Baybayin, ngunit hindi ko naisip gamitin para sa pang-araw araw na gawain. Ngunit ngayon, paunti-onti na nagbabago ang paningin ko sa mga sistemang katulad ng Baybayin.
Pagkatapos ng LT na ito, nalaman ko rin na hindi lang Baybayin ang gamit ng mga Pilipino. Mayroon ring Kulitan at Hanu noo. Paminsan minsan, nagtatanong ako sa sarili ko kung para sa mga sinaunang mga Pilipino ba, mayroon

ba silang konsepto ng isang bansa? Gusto kong mas malaman ang mga inter-aksyon ng mga sinaunang Pilipino, at ang iba’t ibang mga literaturang baka nawala na ngayon dahil sa mga pinagsusulatan nila. Mas maganda ba kung hindi tayo sinakop ng mga Kastila, Amerikano at iba pa? O siguro ba hindi magkakaroon ng konseptong bayanihan kung ganoon? Dahil rin dito, mas nainteres rin ako sa pamaraan ng pananakop ng mga Kastila. Ginusto kong malaman kung gaano katagal inaral at paano naintindihan ang mga pananalita at panunulat ng mga sinaunang Pilipino. Isang malawak na harang sa pananakop ang komunikasyon at wika, at nainteres ako roon sa aspetong yoon mula sa pananakop ng mga Kastila sa mga Pilipino.

Kahit na hanggang ngayon hindi ko parin labis maintindihan ang Baybayin o Hanu noo, o Kulitan, masasabi ko paring mapagmamalaki ko ang mga sistemang ito bilang sariling akin bilang isang Pilipino. Handa akong pag-aralan at tulungang ipalaganap ang paggamit ng mga sistemang ganoon. Sana balang araw maging ganap narin ang mga sistemang ito mula sa sariling atin.

Ethan Catre
Sa pag-aaral ko ng Baybayin at iba pang sistema ng panunulat ng sinaunang Pilipino ay may maraming akong nadiskubre tungkol sa kanila. Ang Babaylan ay isang natatanging sistema talaga. Makikita natin sa Babaylan ang marka ng kultura ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga Espanyol. Bago dumating ang mga Kastila, ang sinaunang Pilipino ay mapayapa at malakas at loob. Nangangalakal sila sa ibang mga maunlad na kultura katulad ng mga Indiyano at Tsino. May maraming kultura ang mga Pilipino: ang sinaunang Manila sa Luzon, ang tribo ni Mactan sa Visayas hanggang sa mga Muslim sa Mindanao. Ang Babaylan at ibang pang mga sistema ng panunulat ng Pilipino ay totoong maganda. Sa katapusan ng Mahabang Pagsusulit ay natuto ko kung paano ginamit at ginawa ang mga sistema ng panunulat.

Isa sa mga bagay na naging sorpresa sa akin ay ang pagkakaiba-iba ng mga sistema ng panunulat sa Pilipinas. Noon, iniisip ko na ang Baybayin talaga ay ginagamit ng mga katutubong Pilipino sa pagsusulat. Ngayon, alam ko na ang sistema ng panunulat ng Pilipino ay depende sa pangkat etniko at lugar nito. Ngayon, alam ko na hindi lamang Baybayin ang mahahanap sa Pilipinas. Mayroon ding Kulitan, Hanonoo, at iba pang mga sistema panunulat. Pero ngayon na iniisip ko na ang lahat, sorpresa ba talaga na may maraming mga sistema ng panunulat sa Pilipinas? Tayo ay isang malaking kapuluan, at sa bawat pulo ay may iba’t ibang mga taong Pilipino na may sari-sariling mga pangkat etniko.

Malaki talaga ang epekto ng paninira ng ating kultura ng mga Kastila. Dahil sinunog nila an gating sistema ng panunulat , nakumbinse nila na tayo ay walang kultura o sibilisasyon. Dahil matagal na silang naging ating mga panginoon, nailagay sa mga kaisipan ng mga Pilipino na sila ay natural na mas mababa lamang kaysa sa dayuhan. Dahil dito, itinaguriang basura lamang ang Baybayin at iba pang sistema ng panunulat. Sa katotohanan, sila ay ang ebidensiya na tayo ay kapareho sa Espanyol at hindi mas mababa.

Isipin nalang natin anong mangyari kung nanatili pa natin ang ating mga sistema ng panunulat, at ginagamit pa ito ng maraming mga Pilipino. Kahit na mayroon pang gumagamit ng Ingles at Espanyol, isipin natin na ang karamihan ng mga Pilipino ay gumagamit ng baybayin. Kung naroon pa sa atin noon ang ating kultura, mas mahihirapan bang masakop an gating bansa?  Sa aking sariling opinion, ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo ay madaling naiimpluwensiya ng dayuhang kultura ay kulang o nawawala ang pagmamahal ng Pilipino sa bayan dahil hindi alam ng maraming mga Pilipino noon ang mga nagawa ng kanilang mga ninuno.  Dahil sinira ng mga Kastila ang artepakto ng ating mga ninuno, at itinaguyod nila ang Katolisismo bilang mas edukado at sibilisado laban sa mabagsik nating mga diyos at diyosa, tayo tuloy ay nagkaroon ng pag-aayaw sa sarili na hindi nawala hanggang sa pagbukas ng Suez Canal noong panahon nina Rizal. Kung naaalala pa ng mga tao ang buhay bago tayo ay naging alila ng mga Espanyol, nabuhay sana ang ating nasyonalismo, at nagkaroon sana tayong ng kultura at pagkakakilanlan na talagang atin, na batay lang talaga sa tradisyon ng ating mga ninuno.

Sa kasalukuyang panahon, ang Baybayin ay hindi na ginagamit ng mga tao, at ito ay halos nang isang patay na sistema ng panunulat. Ito ay malapit nang nalilimutan ng lahat ng mga tao. Malungkot ito na kalagayan para sa pangunahing sistema ng panunulat ng sinaunang Pilipino. Sa aking opinion, ang Babaylan ay dapat turuan sa mga paaralan bilang Araling Panlipunan o Filipino. Kahit na wala na ito halaga bilang paraan ng komunikasyon, ang kamalayan na mayroon tayong sariling sulat na ginagamit ay makatulong para sa pagpapalakas ng damdaming makabayan.

Mga Sanggunian

Braga, M. H. (2014, October 27). Pinoy's ancient alphabet is baybayin, not alibata. Retrieved September 28, 2017, from http://www.philstar.com/cebu-news/2014/10/27/1384960/pinoys-ancient-alphabet-baybayin-not-alibata

Comandante, B. (1969, December 31). The Life, Death, and Resurgence of Baybayin. Retrieved September 28, 2017, from http://www.esquiremag.ph/culture/the-life-death-and-resurgence-of-baybayin-a1962-20170811-lfrm

Hanunó'o   . (n.d.). Retrieved September 28, 2017, from http://www.omniglot.com/writing/hanunoo.htm

Kulitan. (n.d.). Retrieved September 28, 2017, from http://siuala.com/kulitan-the-indigenous-kapampangan-script/

Manuel, E. A. (1995). Filipino myths and folktales: Treasury of stories. Muntinlupa City:  Anvil Publishing.

Pauaga: Prologue to the Kulitan Book. (n.d.). Retrieved September 28, 2017, from http://siuala.com/

Comments

Popular posts from this blog

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon

BLOCK G: KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT

Block E: Iba't ibang Susing Salita