Block E: KWF - Komonwelt
- Daloy ng Presentasyon
- Unang aktibidad
- Una sa lahat, pinakiusapan ang bawat isa sa klase na isulat ang mga sumusunod sa isang piraso ng papel:
[Isang gawa-gawang salita] -- [Ang kanyang kahulugan]
- Sumunod ay isa-isang ibinahagi ng mga mag-aaral ang kanilang mga nagawang salita at ang kaakibat nitong kahulugan.
- Huli, binigyan sila ng oras upang isalin ang mga sumusunod na linya gamit lamang ang mga salitang ginawa ng klase:
Unang isasalin:
Philippine Science High
Thou standst above with thy thoughts that lift
And fit all thy sons with wings
To lend us flight in the sowing of our gifts.
Ikalawang isasalin:
Lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya, na pag may mang-aapi
Ang mamatay ng dahil sa iyo.
- Ipinaliwanag ng pangkat na ipinapakita ng aktibidad na ito ang kahalagan ng sentral na wika sa isang lipunan upang magkaintindihan.
- Tinalakay ng grupo ang sumusunod:
- Maikling kasaysayan ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas
- Ang pag-unlad ng Filipino bilang pambansang wika noong panahon ng Komonwelt
- Ang bawat isang miyembro ay nagbigay ng sariling panganganinag ukol sa paksa bilang wakas:
- Cabral
- Dela Rosa
- Salvador
- Si Sir Mae naman ang nagbahagi ng kanyang impormasyon at panganganinag ukol sa wikang Filipino noong Komonwelt.
- Pagtatala sa mga Impormasyon ng Paksa
Timeline:
- Nobyembre 15, 1935 - Inihalal sa posisyon ng pangulo si Manuel L. Quezon, ang unang Pilipinong nakaupo sa Malacañang bilang punong tagapagpaganap (Official Gazette of the Republic of the Philippines, n.d.). Sinasabing ang simula ng pamahalaang Komonwelt ay isa sa mga hakbang patungo sa kalayaan ng bansa.
- 1935 - Nagsabing magkakaroon ng mga hakbang ang Kongreso upang maghanap at magpatibay ng wikang pambansa na nagmula sa isang katutubong wika, ngunit bago ito ay Ingles at Kastila pa rin ang magsisilbing opisyal na wika (Kasaysayan, 2007).
- 1936 - Inaprubahan at itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa na naaayon sa Batas Komonwelt Blg. 184, na naglalayong pumili ng isang katutubong wika bilang basehan ng magiging wikang pambansa (Kasaysayan, 2007). Nakasulat sa
- 1937 - Noong Enero 13, 1937, pinili ang mga kagawad ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang unang naging direktor ay si Jaime C. de Veyra, na kinikilalang “tagapagtatag ng wikang pambansa”, at ang unang naging himpilan ay isang silid na matatagpuan sa Department of Public Information (Kasaysayan, 2007). Noong Disyembre 13, 1937, iprinoklama ni Pangulong Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa, ngunit dalawang taon pa ang lumipas bago ito nagkabisa (Añonuevo, n.d.).
- 1940 - Ganap na ang paggamit ng Tagalog bilang wikang pambansa. Nakabuo at nailimbag na ang Tagalog/English Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Noong Hunyo 7, 1940 ay ipinagtibay na ang Batas Komonwelt Blg. 570 na nagsasabing ang “Pambansang Wikang Filipino” ay kikilalanin nang isang wikang opisyal sa pagsapit ng Hulyo 4, 1946 (Añonuevo, n.d.). Sa taong ito ay ipinag-utos na rin ang pagtuturo ng Filipino sa bawat pampubliko at pribadong paaralan sa bansa (Kasaysayan, 2007).
- 1946 - Ang Komonwelt ng Pilipinas ay naging Republika ng Pilipinas sa pamumuno ng bagong naihalal na pangulong Manuel Roxas (Official Gazette of the Republic of the Philippines, n.d.).
- Panganganinag
Cabral:
Ang mga desisyong nangyayari sa pamahaalan ay nakaiimpluwensya sa pangkalahatan na paningin sa wika at kultura ng bansa. Sa simula pa lang hindi gaano ka epektibo ng sistema ng gobyerno sa Pilipinas dahil sinubukan nilang ipagsama-sama ang napakaraming magkakaibang mga pangkat bilang isang bansa. Ang mga pambansang desisyon ay ang nakaaapekto sa reputasyon ng bansa bilang isang buo, ngunit ito ay masama dahil maraming mga pangkat na hindi narerepresenta. Sabihin man nating mabuting hakbang patungong kalayaan ang paggamit ng Tagalog bilang batayan ng pambansang wika, hindi pa rin ito naging epektibo sa mahabang panahon. Kung tanungin mo ang mga iskolar, itong pambansang wikang Filipino ay mistulang standardized na Tagalog lamang. Hindi siya tunay na pasok sa criteria na ang pambansang wika ay dapat ginagamit ng malaking bahagi ng populasyon.
Ngayon, walang matinong pagkakakilanlan ang Pilipinas na may tunay na wikang pambansa na naiintindihan at taos pusong tinatanggap ng nakararami. Halimbawa nito ay ang kadalasang binibigyang pansin ng turismo ukol sa kultura ng Pilipinas bilang “iisa.” Hindi naman nakikita ang iisang kultura na ito sa lahat ng bahagi ng bansa. Kung babasahin ng turista o kahit karaniwang mamamayan ang kasaysayan ng wika, hindi nila malalaman ang mga tunay na problema. Ito’y dahil ang pagsulat ng kasaysayan ay di kumpleto at madalas nakapokus lamang sa Maynila o Luzon at sa mga pangyayari sa sentral na pamahalaan.
Maaari ngang sabihing mahalaga ang mga pangyayari noong panahon ng Komonwelt mula sa perspektibo ng Tagalog dahil to nga ay naging sanhi ng pagkakaroon ng sariling wika ng pamahalaan. Hindi rin maaaring kalimutan ang organisasyon at kaunlaran na naidulot ng standardized na wika. Subalit, ang pagsabi nito nang hindi binibigyang pansin ang mga naging negatibong epekto sa tunay na pagkakaiba-iba ng kultura sa Pilipinas ay nakasasama ngayon at sa mga susunod na henerasyon.
Bukod sa epekto sa kultura ay di rin mabuti ang naging mindset ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon ukol sa mga pambansang isyu. Naging mahirap ang pag-unlad ng Pilipinas bilang isang buo dahil nga ay ipinalaganap pa lalo ng pambansang wika ang mga dibisyon imbes na itinanggal. Mahirap nang ibaliktad ang samang naidulot ng suliraning ito.
Ang klaseng pagrereporma ng sistema ng wika na tulad ng mga pangyayari noong panahon ng Komonwelt ay masasabing malaking bagay na. Malamang, anumang maaari pang maging pagbabago ay di na mahihigitan pa ang mga tulad noong sa Komonwelt. Pero sa tingin ko ay hindi naman ito imposible, basta’t handang makibahagi ang gobyerno at mamamayan. Hindi na gagana ang maliliit na mga pagbabagong pagsasamahin. Masasabi kong ang mga desisyon noong Komonwelt ay sangkot ang maliit na bahagi lang ng populasyon lamang. Ngayon, kinakailangan ng desisyon kung saan masasabing halos lahat ng mga Pilipino ay kasama. Malaking reporma na makadudulot ng malaking pagbabago na nakabubuti para sa lahat ng kultura, wika, at diyalekto sa Pilipinas. Kinakailangan natin hanapin ang ating kalakasan sa ating pagkakaiba-iba at hindi palagi sa pagiging “iisa.”
Dela Rosa:
Sa pananaliksik ukol sa kasaysayan ng wikang Filipino noong panahon ng Komonwelt ay marami akong natuklasan at napag-isipan. Ang Komonwelt ay ang pamamahalang nagsilbing transisyon mula sa pamamalakad ng mga Amerikano patungo sa kalayaan. Nagbotohan ang mga Pilipino para sa mga magiging pinuno ng pamahalaan. Marami ang mga naglilitawang mga pagbabago sa bansa sa panibago nitong simula. Ang mga Pilipino ay nagsisimula pa lamang kilalanin ang kanilang sariling identidad. Kaya naman sa ganitong panahon ay napakahalagang magkaroon ng iisang wika na hindi nanggaling sa mga mananakop. Ang wika ay hindi lamang isang behikulo o pamamaraan ng pakikipag-usap. Ito ay nagsisilbing isang salamin ng lahing gumagamit nito. Ipinagsasama-sama nito ang isang lipunan.
Sa mga wikang katutubong sinuri upang maging wikang pambansa, Tagalog ang napili at itinatag. Bagama’t ito ay nakatulong sa pagkakaroon ng sariling identidad ng mga Pilipino ay may iilan pa ring mga kontrobersiya sa pagkapili nito. Unang una ay hindi nito nabibigyang representasyon ang lahat ng mga mamamayan ng bansa. Dahil ang Pilipinas ay isang kapuluan, ito ay nahahati sa iba’t ibang rehiyong may iba’t ibang mga lengguwahe. May mga Pilipinong hindi Tagalog ang unang wika na napaisip na ito ay hindi patas sapagkat marami rin ang nagsasalita ng kanilang dyalekto. Ito rin ay naging sanhi sa mas mababang pagtingin ng ibang taga-Maynila sa mga salitang hindi Tagalog.
Dahil Ingles at Kastila ang naunang gamitin sa buong bansa, malaki ang naging epekto ng mga ito sa Filipino. Madalas ay tinitignan ang mga ito bilang mas nakahihigit sa sarili nating wika. Marami rin tayong mga salitang nagmula o hiniram sa mga ito na ginagamit na rin nating tila’y sariling atin. Sa kabila ng pagkakaroon ng wikang pambansa ay tila hindi pa rin ito naging wikang opisyal. Sa ngayon ay Ingles pa rin ang ginagamit sa mga propesyonal na trabaho. Ito rin ang ginagamit sa pagtuturo ng mga asignatura lalo na sa agham. Sa ibang mga paaralan ay ni hindi hinihikayat ang pagsalita sa Filipino upang mahasa ang mga mag-aaral sa Ingles na balang araw ay pinaniniwalaang mas magagamit nila.
Sa kasalukuyang panahon, marami na ang nakalimot sa pinagmulan ng ating araw-araw na sinasalita. Ako man ay hindi nakaaalam na ang wikang Filipino ay itinatag noong panahon ng Komonwelt bago aralin ang mga artikulo tungkol dito. Sa paglitaw ng mga bagong paraan ng pananalita tulad ng “conyo”, “beki language” at iba pa, makikita ang patuloy na pagbabago ng wikang ginagamit ng mga Pilipino. Bagama’t mabuti ang pagiging dinamiko at buhay nito sa ating lipunan, ito ay maaaring magsilbing hadlang sa patuloy na pagpapayaman ng ating wikang pambansa. Dahil mas madaling intindihin ang mga bagong pananalita, marami ang nahihirapan nang intindihin ang mga pinapabasang akdang nakasulat sa Filipino at nalilimutan na ang historikal na kahalagahan nito.
Sa aking palagay, maaari itong masolusyonan sa pagkilalang muli sa mga pinagmulan ng ating wika sa pamamagitan ng pag-aaral ng ating kasaysayan. Tunay lamang nating matututunan pahalagahan ang isang bagay kapag naiintindihan natin kung paano ito nagsimula. Ang wika ay isa sa pinakamahahalagang bahagi ng isang lipunan, at maiintindihan lamang natin kung ano nga ba ang halaga ng pagiging Pilipino kung kilala at binibigyang halaga natin ang ating wika.
Salvador:
Ang ating wikang pambansa ay isang palpak na kolahe.
Nung panahong Komonwelt ay inasam ng Pilipino ang kalayaan mula sa kanyang mga mananakop. Sapagkat tayo’y nasa ilalim ng mga Amerikano sa pagkatatag ng KWF, naging malaki ang impluwensiya ng Ingles sa paggawa ng ating wikang pambansa.
Ang Filipino ay nakabatay sa Tagalog, ngunit sa paggawa ng Filipino ay sumangguni ang mga tagalista ng KWF sa iba’t-ibang mga katutubong wika. Ginawa nila ito sapagkat hindi natustusan ng wikang Tagalog ang lahat ng mga kahulugang nasa diksyunaryong Ingles. Mula rito, ating masasabi na ang Filipino ay isang pagtatangkang palaganapin ang kaisipang Amerikano sa bawat sulok ng ating bansa. Malaya tayong gumamit ng mga katutubong salita habang ang ating kamalayan ay nananatiling banyaga. Habang mas nasasanay ang bawat henerasyon na gumamit ng Filipino, patuloy na namamatay ang ating katutubong kamalayan. Nasasanay tayo sa isang repleksyon, o alingawngaw, ng ating nakaraan. Nagagaya ang ating pag-iisip sa istrakturang banyaga. Marahil sa pagpilit ng KWF na igaya ang Filipino sa Ingles ay nagwaring mas nakabababang wika ang Filipino.
Ang wikang Filipino ay may halong mga salitang Ingles na iniba lamang ang pagbabaybay. Hindi raw marating ng ating wika ang perpeksyon kaya’t kinalingan nitong humiram ng mga wikang banyaga. Ang mga konsepto na ating naihulma noon ay hindi sapat, at ito’y nangangailangan ng maraming pagbabago. Ngunit, ang isang henyong katutubo naman talaga ay hindi man makakaintindi ng mga banyagang kataga. Sira ang pangangatwiran sa likod ng wikang Filipino bilang “barbaro” kumpara sa wikang Ingles.
Sa paghahangad na makagawa ng isang wikang makapag-uugnay ay mas nagkaroon pa ng hidwaan sa pagitan ng mga rehiyon. Niluto lamang daw ni Presidente Manuel L. Quezon ang tadhana ng 1935 Konstitusyon. Dumami lalo ang mga kontra-Tagalog sa pagkatatag ng wikang Pilipino. Ito ay dahil sa hindi maayos na pagkarepresenta ng iba pang mga wikain dito. Naisip ng KWF na balewalain ang ibang mga katutubong wika sapagkat hindi naman ito ginagamit sa kalakalan at mga usapang negosyo. Naging masyadong Luzon-centric ang Filipino dahil masyado itong nakapokus sa mga kagamitang pang-ekonomiya ng wika, hindi ang kultural na kagamitan nito. Minaliit ang ibang mga diyalekto natin bilang estadistiko lamang. Praktikal ngang isipin na kunin ang diyalektong mas ginagamit at mas inililimbag, ngunit ganitong paraan ay tuluyan mong isinawalang-bahala ang kagandahan ng iba pang mga wikain.
Kailangan ding isipin na ang pagtaguyod ng wikang Filipino ay may halong politikal na motibo rin. Ang siyang bihasa sa wika ng kalakalan ay siyang makapangyarihan. Masasabing ginamit ni Presidente Quezon at ng KWF ang kanilang kapangyarihan sa kanilang benepisyo.
Kasali ito sa mga katwirang nagagawa ng mga tutol sa paggamit sa wikang Filipino. Ngunit ngayon naman ay nabibigyang solusyon ito ng K-12. Sa pagbabago ng curriculum ay binibigyang prayoridad ang paggamit ng mga katutubong wika sa mga mas maagang mga baitang sa paaralan. Nahahayan ang kabataan na magkaroon ng “organik” na wikang pagkatuto -- tulad ng ating mag ninuno.
Sa mga ganitong paraan ay nabibigyang kahalagahan ang mga napabayaang diyalekto dahil sa panahong Komonwelt. Umaasa akong mas mapapalaganap ang paggamit ng mga wikang ito sa hinaharap.
Palpak na kolahe ang ating wikang pambansa ay palagi naman natin itong kayang ayusin muli.
- Mga Sanggunian
Añonuevo, R.T. (n.d.). Paglingon sa ugat ng Komisyon sa Wikang Filipino (Kasaysayan). Retrieved from Komisyon sa Wikang Filipino website: http://kwf.gov.ph/kasaysayan-at-mandato/
Kasaysayan. (2007, October 11). Retrieved August 22, 2017, from http://wika.pbworks.com/w/page/8021671/Kasaysayan
Official Gazette of the Republic of the Philippines. (n.d.). Ang Komonwelt ng Pilipinas. Retrieved from http://www.officialgazette.gov.ph/ang-komonwelt-ng-pilipinas/
Labor, K.L. (2015) Isang sariling wikang pambansa: Mga babasahin sa kasaysayan ng Filipino. Retrieved from http://kwf.gov.ph/wp-content/uploads/2016/11/Isang-Sariling-Wikang-Pambansa.pdf
Laguna Tourism, Culture, Arts and Trade Office. (2014, August 20). Ang kasaysayan ng wikang pambansa. Retrieved from Provincial Government of Laguna website: http://www.laguna.gov.ph/content/ang-kasaysayan-ng-wikang-pambansa
Comments
Post a Comment