Block F: Barayti at Baryasyon

Barayti at Baryasyon

Kami ay sina Jureidini, Apolline, at Joachim!




At kami ang nag-report ukol sa paksang “Barayti at Baryasyon ng Wika.”

Daloy ng Presentasyon



Preparasyon para sa Presentasyon
Bago ng presentasyon, kinailangan naming ihanda ang saliksik, powerpoint, palaro, at bidyo. Ang unang ginawa ng grupong ito ay magsaliksik ng impormasyon ukol sa paksang
“Barayti at Baryasyon ng Wika.” Nang may kaalaman na, ang mga saliksik ay ibinuod ni Apolline. Isang PowerPoint presentation naman ang ginawa ni Joachim: ito ay may nilalaman na mga salitang kalakip ang maiikling depinisyon nito. Para sa palaro gumawa sina Kyle at Apolline ng apat na set ng tigdalawampu't anim na memory cards. Kalahati nito ay ang mahahalagang salita, at ang kabilang kalahati naman ay ang kanilang mga depinisyon. Sa huli, naghanda si Kyle para sa repleksyon ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa pagkaroon ng wika ng barayti at baryasyon. Upang mas maintindihan ng klase ang kabigatan at pagkamakabuluhan ng paksa sa ating lipunan, isang bidyong nangangalang "
Scientists aren't exactly the best champions of climate change" ay i-dinownload.




Pagtatala ng Impormasyon


Aktwal na Presentasyon
Sa katotohanan, ang unang sampung minuto ng periyod ay nasayang dahil sa hindi pagkakaunawaan ng guro at mga mag-aaral ukol sa lugar kung saan mag-uulat ang grupo, dulot ng pagkakaroon ng suspensiyon ng mga klase noong nakaraang araw.\


Sa huli, ang pag-uulat ay naganap sa SHB-Extension 2B. Para sa introduksyon, ipinakita ni Joachim pagkakaibhan ng barayti at baryasyon sa pamamagitan ng pagpapaliwanag at pagbibigay ng mga halimbawa. Bilang icebreaker, naman ang buong klase, maliban sa mga mag-uulat, ay hinati sa apat na grupo. Isang kinatawan ay kinuha mula sa lahat ng grupo upang may magbantay bilang isang referee sa bawat pangkat. Ang bawat pangkat ay binigyan ng isang set ng memory cards, at binigyan ng sampung minuto para itugma ang bawat salita sa kaukulang depinisyon nito. Pagkatapos nito, ang mga salitang (iba’t ibang barayti at baryasyon ng wika) ginamit sa palarong ito ay ipinaliwanag ni Apolline. Ipinahayag din ni Apolline ang depinisyon ng barayti at baryasyon, at ang kadahilanan sa likod ng kanilang pag-iral sa lipunan. Bilang konklusyon, isinaad ni Kyle ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman ukol sa barayti at baryasyon ng wika, at ang mga epekto nito sa ating lipunan. Nagbigay rin siya ng paliwanag ukol sa importansya ng pagiging maalam sa paraan ng maayos na scientific communication para sa pagsulong ng Pilipinas sa larangan ng agham, matematika, at teknolohiya sa isang mundo kung saan ang mga wika ay iba-iba, o sa ibang salita, may barayti at baryasyon. Para mas maintindihan ng klase, ang grupo ay nagpakita ng isang bidyong may titulo na "Scientists aren't exactly the best champions of climate change."





Panganganinag

Estrella

Sa katotohanan, hindi ko maisip noong una kung bakit mahalaga pag-aralan ang barayti at baryasyon ng wika, lalo na ang kabigatan ng pagkakaroon ng kaalaman ukol dito sa ating lipunan. Sa kadahilanang iyon, nais kong bigyan ng isang malaking salamat ang aming klase para sa lubos na pagtalakay nito.


Ang barayti at baryasyon ng wika ay sinimulang pag-aralan ng mga pilosop noong ika-18 na siglo (Williams, as cited in Liwanag 2007). Simula noon, patuloy ang paglabas ng iba’t ibang makabagong teorya tungkol sa likas ng wika na magkaroon ng barayti at baryasyon. Kapag pinag-aralan ang mga teoryang ito, makikita mo na maraming salik ang iyong matatagpuang nagdudulot ng pagkaroon ng pagkakaibhan sa paggamit ng wika. Iilan sa mga salik ng baryasyon ay nakabatay sa sosyolohikal na katayuan sa lipunan, heograpikal na lokasyon, at sariling pamamaraan ng isang indibidwal sa paggamit ng wika.


Isa sa mga pangunahing sosyolek na teorya ay ang sosyolinggwistikong teorya na nagsasaaad na ang wika panlipunan at ang speech (langue) ay pang-indibidwal. Binibigyang empasis nito ang pagiging midyum o behikulo ng wika na ginagamit ng mga tao para sa pakikipagtalastasan (Mangahis et al., 2005). Dahil ang wika ay isang instrumento lamang, may iba’t ibang paraan ng paggamit nito. Sa mga pamamaraang itong hindi magkakatulad nagmumula ang barayti ng wika. Ilang paraan ng naiibang paggamit ng wika ay ang code switching o palit koda at ang lexical borrowing o panghihiram. Ang palit koda ang paggamit ng wika ayon sa sitwasyon o okasyon. Isang magandang halimbawa nito ay ang bus conductor na kailangang magpalit-palit ng paraan ng pagsalita para lubos sila magkaintindihan ng pasaherong kinakausap. Sa kabilang banda, ang panghihiram naman ay ang paggamit ng salitang galing sa ibang wika at ipaghahalo ito sa ginagamit na wika upang mas magkaroon din ng pagkakaintindihan.


Kung titignan naman ang heograpikal na dimensyon ng barayti ng wika, mapag-aaralan mo ang pagkaroon ng iba’t ibang dayalekto at ang mga kadahilanan sa likod nito. Oo, ang wika ay ang wikang pambasa ayon sa Konstitusyong 1987; ngunit sa panahong ngayon, ayon kay Atienza (1996), ang wikang Filipino ay isang lingua franca o komong wikang ginagamit ng mga taong kabilang sa iba’t ibang pangkat na nais magkaintindihan. Sabi ng mga ibang tagapagtaguyod ng Filipino bilang lingua franca na kapag pinag-aralan ito nang mabuti, mapapansin mo ang barayti at baryasyon ng komong wikang ito sa iba’t ibang rehiyon sa ating bansa. Tunay ngang patuloy na umuunlad ang ating wika dahil sa “pakikipagtagpo” at “pakikipaglakipan” ng Filipino sa ibang wikain sa Pilipinas (Atienza, 1996). Sa mga kadahilanang ito, mahalagang alalahanin na hindi ibig sabihin na may maraming dayalekto, may herarkiya ang wika. Ito ay ipaliliwanag mamaya.


Sabi nga kanina, ang wika ay naiiba rin base sa sariling pamamaraan ng indibidwal ng paggamit nito. Ang aspetong ito ay tinatawag na linggwistikong barayti ng wika. Ayon kay Polo (1996), mimetiko o mimetic ang tawag sa wikang na may kakayahang maging salamin ng mga karanasang maaaring maglarawan ng buhay, lipunan at kasaysayan. Sinusuportahan din ito ng akda ni Saussure (as cited in Polo, 1996) na nagsasabing ang wika ay hindi isang sistema lamang ng mga salita, kundi sistema ng pagkakaiba. Isang teorya na kabilang sa barayting ito ay ang Deficit-Hypothesis ni Bernstein (1972) kung saan dulot ng iba’t ibang barayti, register, o anyo ng wika ang pagkakaroon herarkiya ng wika. Ito ay kanyang pinagpasyahan nang napag-aralan niyang may pagkakaiba sa katangian ng wikang ginagamit ang mga batang mula isa iba’t ibang economic class. Lubos na hindi sang-ayos si Labov (1970) dito sapagkat ang herarkiya ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng hindi pantay-pantay na tingin sa wika.


Ayon kay Labov (as cited in Liwanag, 2007), “natural na phenomenon ang pagkakaiba-iba ng anyo at pagkakaroon ng varayti ng isang wika (p. 233).” Walang mataas at walang mababang anyo ng paggamit ng wika. Mahalagang mapagtanto na ang wika ay may barayti at baryasyon hindi dahil sa pagkakaroon nito ng herarkiya, kundi dahil likas sa tao ang pag-aangkop ng sariling wika ayon sa sitwasyon o sa taong kinakausap upang mas magkaroon ng lubos na pagkakaintindihan at dahil dulot ito ng iba’t ibang kulturang matatagpuan sa ating bansa. Subalit, ano nga ba ulit ang wika? Ang wika ay isang mahalagang kasangkapan upang maipahayag ng tao ang kanyang damdamin at kaisipan [sariling diin]. Kung hindi natin gagamitin ang wika para sa lubusang pagkakaintindihan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng paggamit nito, ano na ang magiging silbi ng wika?


Sa isang pag-aaral ni Delima (as cited in Liwanag, 2007) na nagngangalang “Emerging Filipino Variety as Interchanges Among Native and Non-native Speakers: An Analysis”, inobserbahan ang mga epekto ng paggamit ng wikang Filipino bilang panturo sa mga klase kung saan may Tagalog at di-Tagalog. Ikinatutuwa ng mga mananaliksik na pinakita ng mga resulta ng pag-aaral na ito na ang gamit ng Filipino ay pantay-pantay.


Para sa akin, dapat ituro sa masa ang katotohanang ang wika ay may barayti at baryasyon. Mahalagang magkaroon ng kamalayan ang sambayanang Pilipino ukol dito para sa ikakaunlad ng sarili nating wika at ikasusulong ng bansa lalo na sa dumadaluyong na panahong ngayon. Sabi nga ni Liwanag (2007), lahat tayo ay may “papel sa pagpapaunlad ng Filipino (p. 243).” Bilang iskolar sa isang science high school, sa tingin ko, importante ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa barayti at baryasyon ng wika sa pag-unlad ng bansa sa mga larangan ng agham, matematika, at teknolohiya. Sa pamamagitan ng pagiging maalam ukol sa pagkakaiba ng wika, mas matututo tayong i-angkop ang sariling wika para maparating natin ang mga mahahalagang bagong tuklas at saliksik sa pangkalahatang masa. Sa ibang salita, malaki ang bahagi ng barayti at baryasyon sa scientific communication o komunikasyong pang-agham.


Ayon kay Sanjayan (2017), walang pakialam ang mga tao kung gaano karami ang mga nalalaman mo, kundi sa kung gaano ka nagmamalasakit para sa iyong kapwa. Sa kasalukuyan, dumarami nang dumarami ang mga saliksik tungkol sa iba’t ibang paksa sa mga larangan ng agham, matematika, at teknolohiya upang lutasin ang mga problema sa mundong ito. Sa kabila ng pagsisikap ng mga mananaliksik na mabigyang lunas ang mga umiiral na suliranin, karamihan ng mga ito ay hindi napaparating sa madla sa kadahilanang hindi nila maunawaan nang mabuti ang mga impormasyong inilalahad sa kanila. Kahit na umaapaw na ang mga binibigay na datos sa mahahalagang numero, katotohanan, at paliwanag, hindi maiintindihan ng mga mambabasa ang nais na iparating ng mga mananaliksik kung hindi ito ipinapahayag nang maayos. Dahil dito, kailangan i-angkop ng mga tao sa larangan ng agham ang kanilang wika sa paraan ng paggamit ng komunikasyong pang-agham upang tiyak na magkaintindihan ang manunulat at ang mambabasa. Sa pamamagitan ng mabuting pag-unawa ng madla, mas mapapadali ang pagsulong ng Pilipinas pagdating sa agham, matematika, at teknolohiya.


Karagdagang sanggunian:
Polo, J. B. (1996). Wika/relihiyon/ideolohiya: Mga relasyong sosyal at historikal. Sa Consantino, P.C., & Atienza, M. M. (Eds.), Mga piling diskurso sa wika at lipunan (pp. 79-87). Quezon City: UP Press.
Atienza, M. M. (1996). Kuro-kurong madla sa wikang pambansa. Sa Consantino, P.C., & Atienza, M. M. (Eds.), Mga piling diskurso sa wika at lipunan (pp. 167-177). Quezon City: UP Press.




Jureidini


Ang baryasyon at barayti sa wika ay isa sa mga bagay sa wika na di maaring mawala. Kahit masasabi ng isang tao na kapag merong pagkakaiba ng ginagamit na mga salita ay nagkakaroon ng pagkakawatak watak ang mga tao. Makikita ito sa mga sinabing halimbawa ni Monico Atienza. Ipinakita niya na ang mga mananakop ay ginamit ang katangian ng wika na ito para sa kanilang sariling pakinabang. Ang ginawa nila ay mas pinalaganap ang pagkakahiwalay ng kanilang mga sinakupang sa pamamagitan ng pagpigil ng pag unlad ng kanilang wika. Nagiging problema ang barayti at baryasyon kung ang mga tao ay di tanggap ang pagka-iral nito. Nagiging problema din kapag tinitigil ang pag halubilo ng ibat ibang mga uri ng pananalita.


Sinabi ni Jaime Polo na ang wika ay may katangian ng empirisismo at ideyalismo. Ang empirisismo ay tungkol sa mga nagiging karanasan ng mga tao. Ang ideyalismo naman ay sinasakop ang tungkol sa pananaw at pag iisip ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Galing dito masasabi mo na kapag mas malaya ang mga tao ay mas iiral dapat ang wika. Kasama din ay kapag mas maraming pinagdaanan ang isang bansa ay dapat mas lumalaganap ang kanilang wika. Ngayon na ang Pilipinas ay isang malayang bansa at mas madami na ang teknolohiya ay maraming nagbago sa barayti at baryasyon ng ating wika. Nagkaroon na ng mas maraming pagdadalubhasa at mga uri ng relasyon nag nagkakaroon na ng ibang pananalita sa bawat isa. Magkakaiba ang pananalita ng isang tao sa kanyang pamilya, kaibigan, at sa kanyang boss. Kapag tinanggap na ang iba’t ibang barayti at baryasyon at mas maliliwanagan sila kung aling uri ng pananalita ang gagamitin. Kailangan ito upang matatag kung ano ang relasyon at uri ng pag uusap ng dalawang tao. Kung ito ba ay pormal, di pormal, seryoso, akademiko, o pabiro. Dahil kung walang ganito ay magkakaroon lang ng gulo kung alin talaa ang tema ng inyong usapan.


Ngunit mapapaisip ka kung mas mabuti ba ang isang mundo na walang barayti at baryasyon. Kung mas maganda ba ang mundo na wala nang tinatawag na language barrier. Pero sa lahat ng iyong mga interaksyon ay parehas lang ang iyong gagawin. Para sa akin ay mag may pakinabang kapag mayroong kahit kaunti na barayti at baryasyon. Dahil kapag meron nito ay mas madali ang pag iral ng bawat salita. Kailangan lang talaga mahanap ang balanse nito dahil kung masyado naman marami ay baka mag hiwa-hiwalay ang mga layunin ng mga tao.


Ang pag-aral at pagtanggap ay kailangan sa iba’t ibang parte ng ating lipunan. Ginagamit ito sa pagtuturo, paghihikayat, at sa pang araw araw na pakikipagtalastasan. Dahil minsan may mga tiyak na uri ng pananalita na mas epektibo sa ibang mga sitwasyon. Isang halimbawa ay ang jargon. Sa siyentipikong mundo ay nagkakaroon sila ng problema dito. Ang jargon ay isang grupo ng mga salita na isang grupo lang ng mga tao ang may alam. Ang mga tao dito ay nahihirapan maiparating ang kanilang mga mensahe sa pananalitang maiintindihan ng karamihan. Ang nagiging epekto nito ay minsan nagkakaroon ng mas malaking pagkakahiwalay sa lipunan at sa mga scientist.



Navarro

“Ang buhay ay pagbabago". Ito ay isa sa pinakakilalang kasabihan sa buong mundo. Araw-araw, lahat ay nagbabago: ang ating kinakain, sinusuot, at ang mga taong ating nakikita't binabati. Naaayon na umaangkop ang ating sangkap-komunikasyon sa likas na pagiging dinamiko ng iba't ibang aspeto ng buhay. Ito nga ang nangyayari sa totoong buhay. Palitan mo ang panahon, tao, lugar, okupasyon, o konteksto, at mag-iiba ang wikang ginagamit. Ang salita ang ugat ng isang mensahe, at ang layon ng isang mensahe ay magtatag ng pagkaintindihan. Kapag mali ang mga salitang ginagamit sa konteksto, magkakaroon ng problema sa paglahad ng mensahe.


Kadalasang nangyayari ito kung higit sa isa ang kahulugan ng mga salitang ginagamit. Ang "puno" ay maaring maging isang buhay na organismo o kalagayan kung saan wala nang madadagdag. Hindi pareho ang kahulugan ng "Diyos" sa iba't ibang mga relihiyon. Ang "kilo" sa pamilihang-bayan ay hindi pareho sa "kilo" na ginagamit bilang panlapi sa agham, dahil ang una ay katumbas ng isang libong grams (1000g) at ang ikalawa ay katumbas sa numerong isang libo.


Nangyayari rin ito sa lebel ng mga pangungusap. Sa mga paningin ng taong bumagsak sa mahabang pagsusulit at taong umaayaw na sa pag-ibig, ang kahulugan ng "Napapagod na ako" ay hindi tumutugma. Iba rin ang kahulugan ng "Lamang siya!" o "Lamang sila!" kung ilalagay sa konteksto ng larong basketbol, halalan, o naglalabang produkto. Marami ring gamit ang mga salitang "Binabati ko kayo!"


Nagbabago rin ang wika ayon sa kung sino ang gumagamit nito. Mainam na tandaan na ang wika at ang pagbabago rito ay nanggagaling sa maliliit na grupo ng tao, at nabubuhay kung dumadami ang mga taong gumagamit nito. Ang Pilipinas ay nahahati sa napakaraming isla. Dahil dito, maraming grupo ng mga tao ang nabuo sa loob ng mga isla, at maraming wika ang nabubuo mula rito. Sa Pilipinas lang ay may higit sa sandaang wika, na bunga sa pagiging hiwalay ng mga isla nito. Noong dumating ang mga Kastila, pinasok nila ang ideya ng antas ng lipunan. Nagkaroon ng mga peninsulares, insulares, at mga indiyo. Naging hadlang ang paghihiwalay ito sa pagsasalita ng dalawang tao mula sa iba't ibang antas. Dito umusbong ang iba't ibang mga paraang pagsalita ng mga tao noong panahon ng mga Kastila.


Mahahalintulad ang pagiging dinamiko ng kasangkapang wika sa mga birador o screwdriver. Ito ay may iba't ibang mga hugis: pahaba, pa-krus (Phillips), o pa-bituin (Torx). Ang bawat hugis rin ay may iba't ibang mga laki. Siyempre, hindi pareho ang laki ng birador na ginagamit sa pagbukas ng relo at kompyuter. Hindi rin pareho ang hugis ng birador na ginagamit sa lalagyan ng baterya (pa-krus) at ng selepono (pa-bituin).


Makikita rito na hindi gumagana ang lahat sa lahat. 'Di-tumpak rito ang kasabihang "one size fits all", at ganoon nga ang wika. Tulad ng tao na nagbabago kapit-bisig sa kapaligiran, ang wika rin ay nagkakaroon ng tinatawag nating barayti at baryasyon. Dito natin natatanto na ito'y buhay.



Listahan ng mga Sanggunian

Antonio, L. F., Mangahis, J. C., Nuncio, R. V., & Javillo, C. M. (2005) Komunikasyon sa akademikong Filipino (Batayang aklat sa Filipino 1). Quezon City: C&E Publishing, Inc.
Bernstein, B. (1972). Social Class, Language and Socialization. Giglioli, Language and Social Context. London: Cox and Wyman.
Dayag, A., & Del Rosario, M. G. (2006). Pinagyamang Pluma – Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc.
Labov, W. (1970). The Study of Language in its Social Context. Giglioli, Language and Social Context. London: Cox and Wyman.
Liwanag, L. (2007). Ang Pag-Aaral ng Varayti at Varyasyon ng Wika: Hanguang Balon sa Pagtuturo at Pananaliksik. The Normal Lights: Journal on Teacher Education, (1)1, pp. 229-245
Liwanag, L. (2007). Ang Papel ng Wikang sa Gitna ng Pagkakaiba-iba ng mga Wika sa Bansa. The Normal Lights: Journal on Teacher Education, (1)1, pp. 229-245



Ebalwasyon

Evaluator
Estrella
Jureidini
Navarro
Estrella
5
5
5
Jureidini
5
5
5
Navarro
5
5
5

Comments

Popular posts from this blog

BLOCK G: KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon

Block C: Indie Films