Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Amerikano

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Amerikano

Daloy ng Presentasyon
Tinalakay ang Kasaysayan ng Wikang Filipino: Amerikano noong ika-3 ng Oktubre. Nagkaroon muna ng maiksing panayam ukol sa mga naganap noong panahon ng mga Amerikano. Binanggit kung ano ang mga pagbabago nangyari sa Pilipinas sa pagdating ng mga Amerikano, pati na rin kung ano ang ginawa ng mga Pilipino bilang tugon sa mga pagbabagong ito.
Pagkatapos ng mabilis na panayam ay nagsimula na ang laro. Hinati ang klase sa dalawang pangkat, at may tinalagang bilang sa bawat mag-aaral. Pagtawag ng bilang, mag-uunahan ang mag-aaral mula sa dalawang pangkat na sagutin ang tanong ukol sa literatura ng Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano. Ang naunang nakasagot ng tama ay binigyan ng candy.
Habang naglalaro, nagbibigay na rin ng karagdagang impormasyon tungkol sa wikang at literaturang Filipino noong panahon ng mga Amerikano.

Pagtalakay sa Paksa
Unang itinalakay ang batas sedisyon, isang panukala na pinagbabawalan ang kahit anong materyal o akda na nagpapahayag ng di-pag ayon sa pagsakop ng Amerika sa Pilipinas. Ang mga akdang lumabag sa batas na ito ay ang “Tanikalang Ginto” na isinulat ni Jose Abad, at “Kahapon, Ngayon at Bukas” na isinulat naman ni Aurelio Tolentino. Sila Abad at Tolentino ay parehong ipinakulong ng pamahalaan ng mga Amerikano.
Ang panitikan noong panahong iyon ay naging mas maluwag sa pagpapahayag ng mga damdamin at emosyon, kahit na may batas sedisyon sapagkat ang panitikan noong panahon ng mga Kastila ay tungkol lamang sa mga paksang moralidad. Ayon kay Rubin (2006), “dapat na sumibol na uri ng panitikan sa panahong iyon ay nakukulayan ng nasyonalismo”. Ang nasyonalismong kanyang itinutukoy ay ukol sa sariling kalinang na bahagi ng pagmamahal sa bayan.

Sumunod ang Romantisismong pag-iisip na ibinihagi ng mga taga kanluran. Sa panahong ito nagasgas ng wagas ang mga salitang pag-ibig at sa panahon ring ito umusbong ang kabihasaan ng mga Pilipino sa pag gamit ng wikang Ingles. Mga akda tulad ng “Dead Stars” ni Paz Marquez Benitez ay isa sa mga testigo sa ating kalinangan at kahusayan. Ang “Dead Stars” ay nagtamo ng unang gantimpala sa isang paligsahan ng kinalahokan ng mismong mga Amerikano. Ang pagtamo ni Paz Marquez Benitez ng unang gantimpala ay sapat na upang bansagan ang kanyang akda ng unang modernong maikling kuwento sa Ingles ng mga pilipino.

Tinalakay rin namin ang kasaysayan ng pag-angkop sa atin ng mga Amerikano mula sa pamumuno ni Almirante Dewey at sa mga ibinahagi ng mga Thomasites, mga sundalong nagsilbing guro sa mga pampublikong paaralan. May mga pagbabago ring naganap sa alpabetong Filipino tulad ng pagsama sa mga letrang “k” at “w”. Napalitan na rin ang G na may gitling ng “ng” (Agan, 2012).

Ang powerpoint presentation na ginamit para sa diskusyon ay maaaring makita sa link na ito: https://drive.google.com/open?id=0B7YVx5hiFXeNQy1ramdNLVdxYnM

Panganganinag (individual)
Tumonong
Maraming ipinakilalang mga sistema at ideya ang mga Amerikano nang dumating sila sa Pilipinas sa pag-alis ng mga Kastila. Bukod sa pamahalaang demokratiko, ang iba pa sa mga namumukod na pasadya na ipinakilala nila ay ang pampublikong sistema ng edukasyon. Nang itinatag ito ng mga Amerikano, mas marami na ang mga Filipino na nakatanggap ng libreng edukasyon. Kasama sa mga tinalaga paaralan, ang mga Amerikanong sundalo na nagsilbing guro o kung tawagin ay Thomasites. Dahil mas marami na ang mga Filipino na nakakapag-aral, mas madali na ipalaganap ang mga aral na nais ipamahagi ng mga Amerikano. Ang natutunang mga ideya at mga asal sa paaralan ay dinadala ng mga estudyante sa kanilang araw-araw na mga gawain.
Isa pa sa mga pinakanamumukod na pasadya na ipinakilala ng mga Amerikano sa mga Pilipino ay ang kanilang wikang Ingles. Dahil ito ang salita ng mga guro, natuto na rin ang mga Filipino na makipag-usap sa Ingles. At dahil ito na rin ang wika ng mga mananakop, itinalaga na ito bilang bernakular na wika ng Pilipinas. Hinikayat ng mga Amerikano ang paggamit ng Ingles para magkaisa naman ang bansang Pilipinas, lalo na dahil maraming mga dayalekto dito. Ang pagtatag ng Ingles bilang bernakular ay hindi lamang desisyon ng mga Amerikano, kung hindi pati na rin sa mga Filipino. Tila mas naging madali ang pamamahagi ng kultura at ng mga ideya sa pagitan ng dalawang bansa sapagkat nagkakaunawaan nila. Pinakalala na rin ng mga Thomasites sa mga Filipino ang panitikang Amerikano.
Kasama sa pagpalaganap ng wikang Ingles ay ang pagtatag ng Batas Sedisyon. Pinagbabawal nito ang pagtutol sa mga Amerikano at sa kanilang pamahalaan sa kung anumang paraan. Ang tao na naglabag sa batas na ito ay maaaring hatulan ng parusa o kamatayan. Ang mga Filipino ay hindi na tuloy maaaring magpahayag ng mga isipan o damdamin laban sa mga Amerikano nang hindi linalagay sa panganib ang sarili.
Ang panitikang Filipino noong panahon na iyon ay naimpluwensyahan din ng pananakop ng mga Amerikano. Iilan sa mga akda noon ay nakasulat sa wikang Ingles. Dinala na rin ng mga Amerikano ang diwa ng Romantisismo, na binibigyan diin ang mga damdamin at kaisipan ng isang tao. Halimbawa ng mga gawa noong panahon na iyon ay ang Dead Stars ni Paz Marquez Benitez at How My Brother Leon Brought Home a Wife ni Manuel Arguilla. Meron din mga ibang anyo ng mga dula na umusbong noong panahon iyon tulad ng zarzuela na gumagamit ng awit at sayaw, isang halimbawa nito ang Walang Sugat ni Severino Reyes. Si Julian Cruz Balmaceda ay isang sikat na makata noong panahon ng mga Amerikano. Meron ding mga akda noon na sinulat para hilingin ang kalayaan mula sa mga Amerikano tulad ng Tanikalang Ginto ni Juan K. Abad at Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino.
Kung ikukumpara ang mga Amerikano sa mga Kastila bilang mananakop, makikita na tilang mas patas at makatao ang mga Amerikano. Noong panahon ng mga Kastila, ang mga mayroon lang karaptang mag-aral ay ang mga mayayaman. Noon panahon ng mga Amerikano naman, ang edukasyon ay libre para sa lahat. Ipinagbabawal din ng mga Kastilang prayle ang mga pangkaraniwang Filipino o indio ng mga panahon na iyon na gamitin ang wikang Kastila. Ang mga Amerikano naman ay hinihikayat ang paggamit ng wikang Ingles. Pinapakita nito na sa palagay ng mga Amerikano, ang pagkakaunawaan ay mahalaga sa pagpalaganap ng mga ideya at kultura.
Hanggang ngayon kitang kita pa rin ang mga ideya na ipinamalas ng mga Amerikano sa Pilipinas. Patuloy na nananatili ang kanilang impluwensiya sa panahong pagkasalukuyan. Nakikita ito sa paggamit natin ng Ingles sa araw-araw. Ito ay ginagamit sa gobyerno, sa mga paaralan, at pati na rin sa pakikipag-usap sa ibang mga tao. Ginagamit na rin ang wikang ito sa buong mundo, kaya mahalaga ito sa pananatili ng mga relasyon sa ibang bansa. Pangkaraniwan na lamang ang paggamit sa Ingles, lalo na dahil tinuturo ito sa mga paaralan. Ang ating pop culture ay naaapektuhan na rin ng pop culture ng mga Amerikano, sapagkat ang relasyon ng ating bansa sa kanila ay nariyan pa rin (at dahil na rin sa Internet). Hanggang ngayon, ang ating panitikan ay may impluwensiya pa rin mula sa kanila. Ang ating nakalipas at pangkasalukuyan ay may bakas ng kulturang Amerikano.

Cauilan

Batay sa aming mga nasaliksik at napagtanto tungkol sa mga kaganapan noong panahon ng mga Amerikano, aking napagnilayan ang epekto ng wika sa nasyonalismo. Maaring sabihin na kahit magbago ang wika ng isang bayan ay mananatili pa rin ang mga nagliliyab na damdamin ng mga mamayan nito. Ito’y maipapatunay sa mga akdang naisulat noong ipinasa ang batas sedisyon at maski na rin noong sumibol ang romantisismo.

Di rin malayong maipahayag ng isang banyagang wika ang kaluluwa ng mga Pilipino, na ating ipinamalas sa atin nila Nick Joaquin, N.V.M. Gonzales, at iba pa. Ang kanilang mga akda ay naguumapaw ng mga idelohiya ng nasyonalismo at pagmamahal sa inang bayan, na kanilang ipinahayag gamit ng isang banyagang wika.

Sa aking mga personal na pagsusulat ay malaya akong namamangka sa wikang Ingles at Pilipino, sapagka’t minsan ay mas mga angkop na anyo ang isa kaysa sa kabila upang maipahayag ang mga damdamin sa papel.

Subalit, mayroong kaakit-akit sa wikang Filipino na di ko masyadong matiyak ng lubusan. Ang kanyang mga salita ay buo, na tila isang dram na pinupukpok at dumadagundong sa tibok ng mga pusong nakakarining nito. Napakarangal, napakadakila at napakaganda ng wika ng tinubuang lupa. Ako’y pinalaki sa teatro ng Dulaang U.P., at sa murang edad pa lamang ay aking napanood ang mga dula nila Shakespeare, Miller, Schiller, at iba pang mga makata sa parehong Ingles at Filipino. Ang pagkasalin ng mga dulang ito ay napakahusay at tulad nga ng aking nasabi, maaring wala sa wika ang diwa ng isang manunulat. Ang kanyang mga daing at sigaw ay wika ng puso, hindi ng mga tenga at dila.

Sa aking pananaw ay kahit na mapasailalim tayo muli sa isang panibagong kultura ay uusbong parin ang ating diwa at kaluluwa bilang mga kayumangging magkakapatid. Parang isang punong may mga ugat na nakabaon na malalim na malalim, tayo’y lalago nang hindi naitutulak o naigagalaw.

Tajonera

Para sa paksang Filipino, kailangan kong gumawa ng isang panganganinag subali’t wala akong maisip na natutunan na bago dahil sa report. Sa totoo lang para sa akin, review lang ito ng mga bagay na natutunan konung bata pa ako. Pero kung pagiisipan ko pa, hindi naman impormasyon, katunayan, o detalye ang kinailangan kong matutunan dito. Mga epekto ng mga pangyayari ang dapat makita at maunawaan.Noong panahon ng mga amerikano, naging popular ang isang pagsasabi na lagi kong narinig simula noong bata pa ako.
Ang pariralang Ito ay halos naghugis ng kung sino ako ngayon. Sa mga tanda sa eskwela, sa mga guro ko, lagi nilang sinasabi “English only please.” Dahil dito, lagi akong nag-iingles. Tumulong ito sa ibang aspekto sa buhay, aaminin ko. Pero sa totoo lang, medyo iba rin yung pagtingin ng mga ibang tao saakin. Akala nila mayaman ako, or kaya matalino ako dahil sa pagiingles. Ngunit, hindi; marunong lang ako magingles nang maayos. Ito ay isang malaking ebidensiya “colonial mentality” at elitism.
Ang colonial mentality ay isang malaking problema na hanggang ngayon ay umiiral sa ating lipunan. Kung ito ay tutukuyin, ito ang pakiramdam ng mga konolizado na sila’y mas mababa kaysa sa mga kolonisador nila. Ito’y patuloy na nagpapakita sa araw-araw na buhay tulad sa mga eskwelahan, sa mga pamilihan, kahit sa pamantayan ng kagandahan. Hindi bihira na makakahanap ka ng isang taong may kaya na, sa tingin nila, pangit ang mga gawang pilipino. Marami ring mga ad na nagpapakita ng eurocentric na pamantayan ng kagandahan at itinataguyod ang retoke, prosuktong pampaputi at iba pa. Ang lahat na ito’y produkto ng pagkolonisado ng Estados Unidos kahit ilang dekada na’y nakalipas, at, sa tingin ko, ito’y isang problema.
Magkasalikop  ang dalawang isyung ito: colonial mentality at elisitsmo. Ang elisitsmo ay naguugat halos sa isa at ngayo’y naging isang malaking problema ito sa sariling kultura natin. Ngayon, medyo may improvement tayo pero hindi parin nawala ang stigma na mas mababa tayo sa mga ibang kultura. Dumadami na ang mga taong nagpapahalaga sa ating kultura pero kahit papaano, pinaglalaan parin ng kapwa pilipino ang ibang bahagi ng kultura. Lalo na ang mga  taong  may pribilehiyo; sila’y, halimbawa, gumagamit ng baybayin o mga etnikal sa pattern  para sa mga disenyo pero wala man lang silang paki sa mga origins o mga gumawa nito. Pero ako’y lumihis.
Sa makatwiran, ang sinasabi ko ay dapat ipinagmamalaki ng mga Pilipino ang ating kultura. Walang masama sa pagpapahalaga ng ibang mga kultura pero wag naman sa punto na ito’y mas mataas sa sariling atin. Lahat ito hindi ko natutunan sa presentasyon namin mismo kundi sa pagmunimuni sa mga epekto na naiwan ng mga amerikano. At dahil dito, ako’y mas pantas.


Sanggunian

Agoncillo, T. A. (1990). The continuing resistance (1901-1913). History of the Filipino people (8th ed.). Quezon City: C&E Publishing, Inc.
Amparado, R. (2016). Kasaysayan ng wikang pambansa sa panahon ng mga Amerikano [PowerPoint slides]. Retrieved from https://www.slideshare.net/RainierAmparado/kasaysayan-ng-wikang-pambansa-sa-panahon-ng-mga-amerikano

Stevens, S. J. (1999). The history of the Filipino languages. Linguistics 450. Retrieved from http://linguistics.byu.edu/classes/Ling450ch/reports/filipino.html

Quindoza-Santiago, L. (2015). Philippine Literature during the American Period. Retrieved from http://ncca.gov.ph/subcommissions/subcommission-on-the-arts-sca/literary-arts/philippine-literature-during-the-american-period/

Rubin, L. T., Casanova, A. P., Gonzales, L. F., & Semorlan, C. M. T. P. (2006). Panitikan sa Pilipinas. Quezon City: Rex Bookstore.

Villafores, T. (2011). Literature during the American period [PowerPoint slides]. Retrieved from https://www.slideshare.net/thelma_villaflores/literature-during-the-american-period

Comments

Popular posts from this blog

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon

Block G: KWF: Pilipino-Filipino

Block E: Iba't ibang Susing Salita