Block F: KWF - Etnikong Tradisyon
Ang Presentasyon
Noong ika-20 ng Setyembre, ang pangkat apat ng Block F ay nag-ulat ukol sa Kasaysayan ng Wikang Filipino: Etnikong Tradisyon. Nagsimula ang klase sa pagtalakay ng kasaysayan ng wika sa Pilipinas noong panahon bago dumating ang mga Kastila. Kasama na dito ang panayam ukol sa mga etnikong grupo, impluwensya mula sa labas, at mga anyo ng panitikan noong panahon na iyon.
Sunod ay nagkaroon ng isang palaro para sa klase. Ang mga mag-aaral ay hinati sa limang grupo, na kinabibilangan ng anim na miyembro bawat grupo. Ang mga taga-ulat ay nagpakita ng mga pariralang naglalarawan ng isang kilos na nakasulat sa baybayin, na kinakailangang isalin ng mga mag-aaral. Ang unang grupo na makagawa ng kilos ay bibigyan ng isang puntos. Ang nagwagi ay binigyan ng brownies bilang gantimpala sa pagkapanalo sa laro.
Pagkatapos ng laro, nagpatuloy ang talakayan. Inilahad ang kaibahan ng alibata at ng baybayin. Bukod dito, itinalakay rin ang iba’t ibang uri ng baybayin, at ang mga etnikong sistema ng pagsulat tulad ng buhid at hanunó’o. Ang powerpoint presentation ay maaaring makita sa link na ito (pindutin lamang ang hyperlink sa larawang pamagat o sa pangungusap na ito). Nagtapos ang klase sa pagtalakay ng guro.
Etnikong Tradisyon ng Wika
Bago dumating ang mga Kastila, may iba’t-ibang mga etnolingguwistikong grupo sa Pilipinas na may kani-kaniyang wika at literatura (Teodoro, 2009). Ang etnikong tradisyon ng wika ay mahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay ang kapanahunan ng mga alamat, na nagsimula sa pagdating ng mga Ita hanggang sa pagdating ng ikalawang pangkat ng mga Malay. Ang pangalawang bahagi naman ay ang kapanahunan ng mga epiko, na nagsimula sa pali-palibot ng mga tao noong ika-13 na siglo hanggang sa pananakop ni Miguel Lopez de Legaspi noong 1565. (Mabait, 2014; Bowsandarrows, 2011)
Ayon kay Mabait (2014), ang kapanahunan ng mga alamat ay makikilala sa pagkakaroon ng panitikang saling-dila (oral na tradisyon) na iniingatan ng mga apo. Ang relihiyon noon ay animismo; ang mga tao ay nananampalataya at sumasamba sa kapaligiran at sa mga hilagyo o anito. Ang mga tanyag na anyo ng panitikan noon ay ang mitolohiyo, alamat, epiko, kwentong bayan, bugtong, awiting bayan, salawikain, palaisipan, sawikain, kasabihan, bulong, at mahiya.
Ang Pilipinas ay dating nakakabit sa Asya, at ang mga Ita ay di umano’y naglakad mula rito. Ang mga Ita, na itinuturing na unang grupong nanirahan sa Pilipinas, ay namumuhay sa pamamagitan ng pangangaso (Mabait, 2014). Sila ay walang sistema ng pamahalaan, pagsulat, sining, o siyensiya, ngunit mayroong konsepto ng awitin at pamahiin (Palpal-latoc, 2013).
Ang mga Indonesyo, na pangalawang grupong nanirahan sa Pilipinas, ay mayroong sistema ng pamahalaan, pananamit, pagluluto, at pagpapaningas ng apoy gamit ang patpat (Mabait, 2014). Sila rin ay may konsepto ng awit, epiko, pamahiin, at bulong (Palpal-latoc, 2013). Ang ilan sa mga salitang hiram mula sa mga Indonesyo ay ang selamat (salamat), enkaw (ikaw), tolong (tulong), duryan (durian), lelaki (lalaki), at otak (utak).
Ang mga Bumbay, na pangatlong grupo, ay mahahati sa dalawang paglakabay. Ang mga Bumbay na dumating sa unang paglalakbay noong ika-12 na siglo ay may pananampalatayang Budismo at konsepto ng epiko (Mabait, 2014). Ang mga Bumbay na dumating sa pangalawang paglalakabay noong ika-14 na siglo ay may pananampalatayang Hinduismo at konsepto ng epiko, awiting bayan, at liriko. Ang ilan sa mga salitang hiram mula sa mga Bumbay ay ang guro, bansa, likha, hukom, at dukha.
Ang kapanahunan ng mga epiko ay maaari ring tawaging kapanahunan ng mga tulang-bayani sapagkat napanatili ang mga tradisyon tulad ng pamahiin at pananampalataya, ngunit nagkaroon ng silakbo ng mga epiko.
Ayon kay Mabait (2014), ang unang grupo noong panahong iyon ay ang mga Malay, na dumating gamit ang balangay. Sila ay mayroong sistema ng pamahalaan (baranggay), wika, alpabeto (baybayin), epiko, karunungang bayan.
Ang pangalawang grupo ay ang mga Intsik, na dumating sa Pilipinas upang makipagkalakal (Mabait, 2014). Mayroong mahigit 600 na salitang Intsik ay kasali na sa wikang Filipino, tulad ng susi, toyo, ingkong, buwisit, katay, bayaw, at hikaw.
Ang mga tanyag na anyo ng panitikan noon ay ang mitolohiya, alamat, epiko, bugtong, talinhaga, awiting panrelihiyon, parabula, palaisipan, sawikain, kasabihan, at salawikain. Mayroon na ring konsepto ng iskrip na ginagamit sa panunulat, na tinatawag na baybayin.
Ang baybayin ay isang etnikong paraan ng pagsulat. Ang salitang-ugat nito ay “baybay” o “spell” sa wikang Ingles (Juan, 2014). Mahalagang tandaan na hindi ito alibata (Juan, 2014). Ang salitang “alibata” ay nagmula sa unang tatlong titik (alif, ba, at ta) ng alpabetong Arabo. Ang katawagang alibata ay ginamit dahil katulad ng baybayin ang alpabetong Arabo. Ito ay isang miskonsepsyon dahil nagmula sa India ang script family (Brahmi script) ng baybayin. Ang baybayin ay nagmula sa Kawi script na nagmula sa Brahmi. Ang Kawi ay karaniwang ginamit sa Indonesya, ngunit may mga artepaktong nagpapatunay sa paggamit nito sa mga iba’t ibang lugar sa Timog-silangang asya, tulad ng Pilipinas. Halimbawa, ang Laguna Copperplate ay isang artepaktong may mga pangungusap na Kawing nakaukit sa tanso.
Ang abugida ay isang sistema kung saan ang lahat ng katinig ay may kasunod o kasamang patinig. Maaring sabihin na ang baybayin ay isang abugida, sapagkat ang bawat titik ng katinig ay may kasamang patinig ‘a’. Bukod pa rito, gumagamit rin ang baybayin ng mga kudlit upang mabago ang patinig. Ayon sa pananaliksik ni Comandante (2009), posibleng ang mga titik sa babayin ay nagmula sa hugis ng taklobo o giant clam (binanggit sa Juan, 2014).
Ang Baybayin sa iba’t ibang rehiyon ay naiiba sa isa’t isa. Halimbawa, iba ang estilo ng mga titik ng baybayin ng mga Tagalog at Bisaya. Ang Baybayin ng mga Tagalog at Bisaya ang mga pinaka-dokumentado dahil karaniwan ito ang mga unang pinag-aralan nga mga praye at ginamit sa mga aklat pandasal.
Nagsimulang maglaho ang Baybayin sa ating kultura sapagkat ang Alpabetong Romano ang umusbong na paraan ng pagsulat ng mga wika. Hindi napanatili sa magandang kondisyon ang mga artepakto dahil nabubulok na materyal tulad ng mga dahon at kahoy ang karaniwang pinagsusulatan. Bukod pa rito ay sinira ng mga prayle ang kanilang mga sinulat.
Kahit naglaho na ang Baybayin, may mga ibang mga etnikong paraan ng pagsulat na ginagamit pa ng mga iba’t ibang katutubo sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang Buhid, Hanunó'o, Kulitan and Tagbanwa (Lowe, 2014).
Ang Buhid ay ginagamit ng mga mangyan sa Mindoro. Sa kaparaanang ito, pati hugis ng titik ang binabago upang ibahin ang kasamang pantinig, hindi lamang ang kudlit.
Ang Hanunó’o ay ginagamit ng mga Mangyan sa timog na bahagi ng Mindoro. Ang kakaiba dito ay isinusulat ito mula sa baba. Kilala ang kanilang mga tulang Hanunó’o na nakaukit sa kawayan. Linalagyan ng abo ang pinag-ukitan na kahoy upang mas makita ang mga titik.
Ang Tagbanwa naman ay kahawig ng Tagalog na Baybayin at karaniwang isinusulat sa mga kawayan. Ginagamit ito ng mga katutubong Tagbanwa na makikita sa Palawan.
Binabasa naman mula kanan patungong kaliwa ang Kulitan (Omniglot, n.d.) at ito ay ginagamit sa kalagitnaan ng Luzon o ng mga Kapampangan.
Panganganinag ng Grupo
Dela Paz
Alam natin mula sa ating pag-uusap sa ating mga klase sa Filipino na ang wika ay napakalaking aspeto ng pagkakakilanlan ng isang grupo o bansa.1 Isang bahagi ng wika ay ang etnikong tradisyon ng grupo o bansang ito.2 Nabibilang dito ang mga paniniwala na tulad ng animismo, at mga sistema ng pagsusulat.3 Ang sistema ng pagsulat na ito ay masasabi na isang biyaya sa atin sapagkat isa itong paraan upang maiba ang kultura at wika natin sa ibang bansa.4 Isa itong bagay na may natatanging mga karakteristik na hindi mahahanap sa iba grupo.5 Masasabi na malaking bahagi ito sa pagkakakilanlan ng isang grupo dahil may tatak ito sa grupong iyon, pati na rin ang mga bilang lamang na makakaintindi dito.6 Sa kasamaang palad ay pagdating ng mga mananakop at mga manlalakbay ay nahaluan tayo ng ibang wika.7 Hindi ko sinasabi na masama ang magkaroon ng impluwensya ng ibang wika ngunit dahil sa impluwensyang ito ay napalayo tayo sa ating ugat na wika.8 Napilitan tayong gumamit ng kanilang paraan ng komunikasyon at sa sistema ng wika nila ng napakatagal dahil sa kanilang pananakop na nagtulak sa atin palayo sa ating orihinal na sistema.9 Dahil kinakailangan ang komunikasyon sa kanilang mananakop tulad ng mga Kastila at iba pa, ito ang mga naisalin sa ating sistema na naghulma patungo sa sistema na alam natin ngayon.10
Mayroon pa ring natitirang mga buhay na etnikong sistema ngunit sa ating mundo ngayon, ang mga etnikong tradisyon na ito ay paunti-unti nang naglalaho dahil sa globalisasyon at ang exposure natin sa ibang kultura.11 Katulad nga ng nangyari sa kasaysayan, kahit hindi ito pananakop, ang impluwensya ng mga banyagang konsepto, palabas, bilihin at iba pa ay ang tumutulak sa atin papalayo sa ating pinanggalingan.12 Hindi lamang ang etnikong mga tradisyon ang naaapektuhan nito ngunit ang kultura na mismo natin.13 Tayo ay papalayo ng papalayo sa ating ugat na wika.14 Makikita sa kapwa Pilipino ang pagpili ng anumang bagay, higit sa mga lokal na produkto, konsepto at iba pa.15 Sa pagbili ng damit, ng sapatos, o kahit ang simpleng pagsalita ng Ingles ay tinitingala sa ating bansa.16 Nakatatak na sa ating isipan na ang banyagang bagay ay higit sa mga tubong Pilipinas.17
Nabanggit na ang pananakop ang may malaking epekto sa ganito nating pag-iisip.18 Nakita natin noon na sila ang mas makapangyarihan, sila ang magaling at sila ang mas nakatataas sa atin.19 Hindi natin maalis sa isipan natin na tayo ay malaya na at may sariling pagkakakilanlan din ang Pilipinas na natatangi sa kaniya lamang.20 Makikita na sa buong mundo, ang mga Pilipino ay may angking galing at talento.21 Sa larangan ng sining, siyensa o kahit sa laro, nakikilala ang Pilipino.22 Ngunit kahit may ganito, ay tila hinahabol pa rin natin ang ibang bansa.23 Dahil sa lahat ng ito, nagkaroon tayo ng paniniwala sa ating lipunan na ang pagiging Pilipino ay hindi sapat sa mundo kung saan hinahanap natin sa ibang bagay na banyaga ang paraan upang maging magaling o ka level ang mundo.24 Ikinakahiya natin ang pagiging Pilipino samantalang mataas ang tingin sa atin ng ibang banyaga.25 Makikita natin na ang kapwa Pilipino ang siya ring nagpapabigat sa kapwa Pilipino.26 Kahit na tayo ay mga taong biniyayaan ng galing at husay, dahil sa nangyari sa nakaraan ay hindi natin mailagay sa isip natin na tayo ay Pilipino na karapat dapat sa respeto ng iba.27
Sa aming presentasyong ito, mas lalong lumawak ang aking alam tungkol sa ating kultura.28 Dahil dito ay mas lumalim ang aking pagkakaintindi sa pagkakakilanlan ng Pilipinas at ang kagandahan ng mga ugat natin.29 Nauunawaan ko na ang globalisasyon ay isang magandang paraan upang umunlad ang laha.30 Naniniwala rin ako na ang ating lipunan ay may inferiority complex at isa itong mahalagang bahagi upang hindi tunay na maglaho ang orihinal na kulutrang Pilipino.31 Kung maunawaan ng ating bayan ang kagandahan at kalagahan ng ating kulutura, ay hindi mawawala ito kahit daanan pa man ng malalaking pagbabago sa lipunan tulad ng globalisasyon.32
Pintor
Ang paksa ng aming pag-uulat ay ang kasaysayan ng wikang Filipino, bago dumating ang mga Kastila.1 Kasama na rito ang mga kaugnay na etnikong tradisyon ng mga katutubo..2 Batay sa mga aralin sa klase, mahalagang pag-aralan ang wika dahil ito ay isa sa mga kasangkapan ng pagkakakilanlan o identity ng isang bansa.3 Sa aking palagay, mas lalo na nating kailangang pag-aralan ang kalagayan wikang Filipino sa panahong ito dahil hindi pa ito nahahaluan ng impluwensiyang Western, tulad ng wikang Kastila at Ingles.4
Sa unang bahagi ng aming ulat, tinalakay namin ang mga impluwensya ng mga iba’t ibang mga etnikong grupo sa wikang Filipino.5 Sa aming pananaliksik, marami kaming natutunan sa pinagmulan ng ating wika.6 Una, maraming pinagmulan ang ating wika.7 Ang wikang Filipino ay masasabi nating koleksyon ng mga iba-ibang wika tulad ng Tsino, Indonesyo, Bumbay, at iba pa.8 Maraming mga salita ay hiniram lang, tulad ng “mahal”, “dukha”, at “susu”. Makikita natin ang impluwensya ng migrasyon at pangangalakal ng mga dayuhan sa ating wika.9 Palaging dala ng mga dayo ang kanilang wika at kultura kaya kapag sila’y dumadayo at nananatili sa ibang lugar/bansa, nagkakaroon ng paghahalo ng kultura.10 Pangalawa, ang wika at kulturang Filipino bago pa man dumating ang mga Kastila ay napaka-yaman at diverse.11 Sa aking palagay, ang pagiging arkipelago ng Pilipinas ay naging daan sa pagkakaiba ng mga wika.12 Dahil dagat ang naghihiwalay sa mga pulo, hindi gaanong naka-integrate ang kultura ng mga iba’t ibang katutubo, kaya nanatiling diverse ang mga wika (tulad ng Tagalog, Cebuano, Hiligaynon, atbp.).13
Ayon sa Isang Sariling Wikang Pambansa (Labor, 2015), noong dumating ang mga Kastila, ang mga katutubong Pilipino ay nakakabasa at nakakasulat na.14 Mahalaga ang literasi dahil batay sa aking mga nakaraang aralin sa SocSci 2, ito ay isang tanda ng sibilisasyon.15 Ang ibig nitong sabihin ay mas mataas na ang antas ng pamumuhay ng mga katutubo at maaring sabihin na meron silang kabihasnan.16 Sa Isang Sariling Wikang Pambansa (Labor, 2015), binanggit rin na ayon sa pagkukumpara ni Padre Pedro Chirino, ang wikang Tagalog ay sumusunod sa mga katangian ng isang matatag na wika (halimbawa ang wikang Griyego, Kastila, Latin at Hebrea).17 Ito ay isang mahalagang bagay dahil pinapakita nito kung gaano kayaman ang ating kultura.18
Sa pangalawang bahagi ng aming ulat, tinalakay namin ang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno.19 Ito ang pinaka-nagustuhan kong paksa hindi lang dahil ito ang inulat ko, kundi marami din akong natutunan.20 Mahalagang talakayin natin ang miskonsepsyong ang baybayin at alibata ay magkapareho.21 Hindi ito alibata dahil hindi Arabo ang pinagmulan ng baybayin.22 Tulad ng wikang Filipino, may mga dayuhang impluwensya ang baybayin.23 Sinasabing ang Kawi script ang pinagmulan ng baybayin.24 Para sakin, ito ay interesting dahil kahit ito ay nanggaling sa Kawi, nakabuo parin ng sariling paraan ng pagsulat ang mga katutubong Pilipino.25 Ang baybayin ay masasabi ring natatangi rin dahil ito ay sinusulat mula sa kaliwa patungo sa kanan, di tulad ng karamihan ng mga ibang bansa sa Silangang-Asya (tulad ng Tsina at Japan).26
Tinalakay din namin ang kasalukuyang kalagayan ng baybayin.27 Ito ay nakakalungkot dahil hindi gaanong na-preserve ang mga artepakto o mga pinagsulatan ng ating mga ninuno.28 Ayon sa Isang Sariling Wikang Pambansa, ang baybayin ay karaniwang inuukit lamang sa mga dahon at sanga ng pawid, o kawayan kaya konti lang ang na-preserve na artepakto (Labor, 2015).29 Ang pagdating rin ng mga Kastila ay naging daan upang maglaho ang ating katutubong sariling paraan at sistema ng pagsulat.30 Kahit may mga katutubong gumagamit parin ng etnikong paraan ng pagsulat tulad ng Buhid, Hanuno’o, at Tagbanwa, masasabi rin ito ay nanganganib parin dahil ayon sa isa naming sanggunian, 1) Nakakalimot na ang mga matatandang katutubo ang kanilang paraan ng pagsulat at 2) Mas naaabala ang kabataan sa pagaaral ng Filipino at Ingles.31
Sa pagtatapos, masasabi ko na ang mahabang pagsusulit na ito ay naging daan upang mas marami pa akong matutunan at mas mabuksan pa ang aking mga mata sa mga isyu ng ating wika at kultura.32 Napagtanto ko rin na dapat nating ipagmalaki ang wikang Filipino, dahil bago pa man dumating ang mga Kastila, tayo ay may kabihasnan na.33 Higit sa lahat, makikita natin ang mga kayamanan ng ating wika at kultura sa dami ng ating mga wika at dayalekto, at anyo ng panitikang umusbong bago ang panahon ng kolonisasyon na buhay at patuloy na ginagamit hanggang ngayon.34
Moreno
Bago pa man naitakda sa aming grupo ang paksang “Kasaysayan ng Wikang Filipino: Etnikong Tradisyon,” mayroon na akong kaunting kaalaman ukol dito.1 Madalas italakay sa asignaturang Filipino o Araling Panlipunan ang kasaysayan ng Pilipinas bago dumating ang mga Kastila, ngunit, ngayon lamang nagkaroon ng tuon sa mismong aspeto ng wika.2 Aking napagtanto na mayroon akong mga maling kuro-kuro tungkol sa paksang ito, na naiwasto ko naman sa pamamagitan ng pananaliksik at pag-uulat dito.3
Ako ay namangha noong nalaman ko na mayroong mga nagkaroon ng impluwensiya sa ating wika na nagmula pa sa panahon ng etnikong tradisyon.4 May nalalaman ako ukol sa panitikan noong panahon na iyon, tulad ng mga epiko at bulong, at dominanteng pasalin-dila na pamamaraan nito.5 Ngunit, bagong konsepto sa akin ang pagkakaroon ng mga salita na nagmula pa sa unang mga pangkat na dumating sa Pilipinas o mga nakipagkalakal dito, tulad ng mga Bumay o mga Intsik.6 Sa pamamagitan din nito, napagtanto ko ang tunay na kahalagahan ng paglalakbay at kalakalan sa panahong iyon, na hindi lamang kalakalan ng gamit ang naganap, kundi na rin palitan ng mga ideya at ng wika.7 Kung wala ito ay wala ring magaganap na palitang kultural, na mahalaga sapagkat ito ay may malaking impluwensiya sa ating kasalukuyan na kultura.8
Bukod sa kalakalan, nagkaroon din ng palitang kultural sa mga tribong nanirahan sa Pilipinas.9 Ang mga tribo na ito ay may kani-kaniyang pinagmulan, kung kaya’y marami at sagana ang mga kultura at wika noon.10
Natalakay sa diskusyon sa panahon ng Kastila ang palitang kultural ng mga tribo, partikular na ito ay isa sa mga pinilit na itigil ng mga Kastila sapagkat sila ay natakot na magkaroon ng pagkakaisa ng mga tribo, na kahahahantungan ng pagkakaisa at paghihimagsik bago pa man nila masakop ang Pilipinas.11 Sa aking palagay, kung hindi nasakop ng Espanya ang Pilipinas, patuloy na magkakaroon ng palitan ng mga ideya, wika, at kultura yung mga tribo.12 Ito ay magtataguyod ng patuloy na pagpapaunlad sa kaibhan ng mga grupong ito, bilang salungat sa pagsikap ng mga Kastila na pigilan ang pagkakaisa na ito.13
Ang isa pang bagay na kung saan nagkaroon ng malaking impluwensiya ang mga Kastila ay ang sistema ng baybayin.14 Noong panahon bago dumating ang mga Kastila, masagana ang Pilipinas sa iba’t ibang mga iskrip, tulad ng Buhid at Hanunó'o, na ginagamit ng mga tribo sa panunulat.15 Ngunit, aking nalaman na sinira pala ito ng mga Kastila sa pamamagitan ng dalawang pamamaraan.16 Ang una, literal na sinira ng mga Kastila ang mga pinagsulatan ng mga Pilipino upang mawala ang mga tala nito.17 Ito ay naging madali sapagkat ang mga bagay na sinusulatan noon ay ang baybay, mga kawayan, o bato, na pansamanatala lamang at madali mawala.18 Ang pangalawa, sinira ng mga Kastila sa mga mata ng mga Pilipino ang paggamit ng baybayin.19 Ipinamalas nila na mas mababaw ang mga gumagamit nito dahil ito ay primitibong uri ng panunulat.20 Ito ang ginawa nilang pamamaraan upang masugpo ang paggamit ng baybayin at maipakilala ang kanilang sariling sistema ng panunulat.21 Dahil dito, malapit nang tuluyang mapawi ang paggamit ng baybayin sa Pilipinas, ngunit, sa kabila nito, mayroon pa ring mga tribo na kasalukuyan ay gumagamit nito.22
Ang mga ikinilos ng Kastila laban sa wika at baybayin ay labis na tumulong sa kanilang layunin na paghati sa mga Pilipino upang sila ay mahati at malupig (divide and conquer).23 Hanggang sa kasalukuyan, masasabi kong hindi pa rin maunlad ang wikang Filipino.24 Naniniwala akong ito ang unang pinagmulan ng ating colonial mentality, sapagkat ang mga Kastila ay nagturo sa atin na ang ating wika at sistema ng pagsulat ay nakabababaw sa kanila.25 Namuo ang superiority complex sa ating isipan, at ito ay talamak pa rin sa hanggang ngayon.26 Bilang lipunan, ating tinitignan nang mas mababa ang mga nagsasalita at gumagamit ng wikang Filipino, lalo na dahil, para sa atin, mas nakakaangat sa katayuan sa lipunan ang mga nagsasalita ng wikang Ingles.27 Ngunit hindi ito tama sapagkat dapat natin pahalagahan ang ating wika at kultura.28
Ako ay naniniwala na marahang hinahanapan ng solusyon ang problemang ito.29 Sa kasalukuyan, nagkakaroon ng mas malalim na pagpapahalaga ang mga kabataan ukol sa wika at panitikang Filipino, lalo na pag dating sa pagsusulat sa pamamaraan ng baybayin.30 Bagaman malayo pa ang ating lalakbayin bago masugpo ang problema, mahalagang magkaroon ng maliliit na hakbang patungo rito.31 Kungkaya’y dapat tayo ay nagsisimula sa pagmamahal at pagpapahalaga sa ating tamang wika, kultura, at kasaysayan, mula sa pagdating ng unang grupo sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan.32
Mga Sanggunian
Ancientscripts (n.d.). Kawi. Retrieved from http://www.ancientscripts.com/kawi.html
Bowsandarrows (2011, July 13). Katutubong panitikan bago dumating ang mga Kastila.
https://www.slideshare.net/bowsandarrows/katutubong-panitikan-bago-dumating-ang-mga-kastila-8584598
Braga, M. H. V. (2014). Pinoy’s ancient alphabet is “Baybayin”, not “Alibata”. Retrieved from http://www.philstar.com/cebu-news/2014/10/27/1384960/pinoys-ancient-alphabet-baybayin-not-alibata
Juan, A. (2014). Baybayin the old script. Retrieved from https://prezi.com/uuvpdjdcljue/baybayin-the-old-script/
Lowe, A. (2014). Fighting to keep alive the Philippines’ ancient script. Retrieved from
https://www.thenational.ae/world/asia/fighting-to-keep-alive-the-philippines-ancient-script-1.465473
Mabait, M. (2014, July 28). Panitikan Bago Dumating Ang Mga Kastila. Retrieved from
https://www.slideshare.net/GinoongGood/panitikan-bago-dumating-ang-mga-kastila
Omniglot (n.d.). Kulitan. Retrieved from https://www.omniglot.com/writing/kulitan.htm
Palpal-latoc, A (2013, June 19). Kasaysayan ng Wikang Filipino.
https://prezi.com/ub4xgnxowuez/kasaysayan-ng-wikang-filipino/
Tagalog Lang (n.d.). Mga Salitang Hiram sa Wikang Tsino. Retrieved from
https://www.tagaloglang.com/salitang-hiram-sa-intsik-ng-mga-pilipino/
Teodoro, J.I.E. (2009, August 31). Kasaysayan ng Wikang Filipino. Retrieved from
http://www.gmanetwork.com/news/news/nation/171158/kasaysayan-ng-wikang-filipino/story/
Comments
Post a Comment