Block G: KWF: Hapon

G 3 Mathieu Alonzo     10, Oktubre, 2017
G 11 Joaquin Miguel G. Escueta          LT 2 - Dokumentasyon
G 17 Carmelo D. Ortiz IV









Daloy ng Presentasyon


Ang presentasyon na magtatagal ng 40 na minuto ay maaaring hatiin sa (1) pagtatalakay ng “Kasaysayan ng Wikang Filipino sa Panahon ng Hapones”, (2) recitation, at (3) pangkatang gawain (sa anyo ng isang laro).


1. Pagtatalakay ng Paksa


Ang grupo ay maglalahad tungkol sa Kasaysayan ng Wikang Filipino (KWF) sa Panahon ng Hapones gamit ang isang Powerpoint Presentation. Gagawin ito sa loob ng 15-20 na minuto, at dito ilalahad ang impormasyong kinakailangan upang maintindihan ng klase ang kasaysayayan ng wika sa panahon ng Hapon.
2. Recitation


Sa gitna ng pagtatalakay, ang grupo ay magbibigay ng mga tanong na maaaring sagutin ng mga mag-aaral sa klase para sa isang premyo. Ang premyo ay may temang Hapones, gaya ng Seaweed Chips o ng panulat galing sa Hapon. Sa kabuuan, ang recitation ay magtatagal ng 1-2 minuto lamang.


3. Pangkatang Gawain


Game: Jeopardart


Paghahanda:
Hahatiin ang klase sa tatlong Pangkat. Pangkat A, B at C. Bibigyan ng tig-isang kampanilya ang bawat grupo. Ipapatong ang tatlong kampanilya sa tatlong lamesang nasa pinakaharap ng silid. Papapilahin ang grupo A sa likod ng lamesang nasa kaliwang dako ng silid at ang grupo B sa dakong gitna. Ang grupo C naman ay pipila sa dakong kanan ng silid. Bibigyan ng bola ang nasa pinakaharap ng tatlong pila. Guguhit ng isang “jeopardy board” ang grupo sa whiteboard sa harap.


Mekaniks:
Ang laro ay isang “trivia-based” na laro kung saan sasagot ng mga tanong ang mga kasapi upang makakolekta ng mga puntos. Mas maraming puntos ang binibigay ng mas mahihirap na tanong. Bibigyan ng tatlong pagkakataon ang mga grupo bumato ng bola sa nasabing Jeopardy board. Ang tatamaan nilang parisukat ang magdidikta kung ilang puntos ang halaga nito. Babasahin ng taga-organisa ang tanong na katumbas ng parisukat na tinamaan at ang sinumang makapagpatugtog ng kampanilya ang unang makakakuha ng pagkakataong sumagot. Bibigyan ng limang segundo ang manlalaro para sumagot. Kapag lumipas na ang limang segundo o mali ang sagot ng manlalaro, magkakaroon ng pagkakataon mag “steal” ang kabilang mga koponan. Ang nasa harapan lang ng pila ang pinapayagang sumagot at magpatugtog ng kampanilya. Sa kupunan ng nakasagot ng tanong mapupunta ang mga puntos. Matatapos ang laro matapos makaraan ang siyam na tanong. Ang grupong may pinakamaraming puntos ang mananalo.
Pagtatala sa mga Impormasyon ng Paksa


Nang nagsidatingan ang mga Hapones, nagakaroon ng matinding labanan sa pagitan ng kanilang puwersa at ng kampon mga Amerikano. Nang mataboy at mapaalis ng mga Hapones ang mga Amerikano sa Pilipinas, sinakop nila ang bansa at bumuo ng pamahalaang militar. Sinakop ng Hapon ang Pilipinas dahil sa kanilang paniniwalang “ang asya para sa asyano”. Naniniwala silang dapat iniwan ang silangang asya at hindi inimpluwensyahan ng mga bansang kanluran. Maganda man ang kanilang hangarin, naging masahol naman  ang pagtrato ng mga Hapones sa mga Pilipino, at maraming buhay ang nabuwis sa panahong ito.


Upang pamunuan ang bansa, itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas, o ang “Philippine Executive Commission”, sa pamumuno ni Jorge Vargas, para maisagawa ang patakarang militar ng mga Hapones at mailaganap ang kanilang propagandang pangkultura (Vargas, 1942). Hinayaan ng mga Hapones na tumakbo ang isang partidong pampulitikal, ang Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas, o KALIBAPI, ay pinamunuan ni Benigno Aquino, at sila’y may layuning maisaayos ang edukasyon sa Pilipinas at maihanay ang kultura at ideyolohiya ng mga Hapones at ng mga Pilipino (Romero, 2016).


Habang pinamumunuan ng mga Hapones ang Pilipinas, maraming pagbabago sa wika ang naisagawa. Upang mabuwig ang impluwensya ng mga bansang kanluran, ipinagbawal ang paggamit ng wikang Ingles at ang anumang bagay na may kinalaman dito. Hindi rin maaaring gamitin ang mga Amerikanong panitikan. Di tulad ng mga Kastila na mahigpit ang kapit sa wikang Espanyol, nagkaroon ng pagsulong ang wikang pambansa sa bisa ng Ordinansa Militar Blg. 13, na nagsasad na gawing opisyal na wika ng Pilipinas ang Tagalog at Nihonggo (Añonuevo, n. d.). Itinuro ang Wikang Nihonggo sa lahat ng paaralan subalit binigyang-diin ang Wikang Tagalog (Espiritu, 2015). Sa panahong ito rin nagdaos ang pamahalaan ng mga paligsahan ukol sa ating kultura, gamit ang wikang Tagalog, upang mapalawak ang wika, dumami ang pantikang gumagamit ng Tagalog, at mailaganap ang paggamit nito sa Pilipinas (Gonzales, 1997). Isinagawa ito upang paunlarin ang kultura ng Pilipinas na hindi naaapektuhan ng kulturang kanluran. Sa bisa rin ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 10, naisama ang pagtuturo ng pambansang wika sa kurikulum ng mababa at mataas na pag-aaral, habang sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 44 nakasaad ang pagpapaunlad ng wikang Tagalog at ang pagsasanay sa mga guro sa paggamit ng Tagalog bilang midyum ng pagbibigay ng impormasyon (Añonuevo, n. d.).


Panganganinag


ALONZO, Mathieu Raphael T.
Sa panahon ng pagsakop ng mga Hapones sa Pilipinas, Tagalog ang nagsilbing pambansang wika ng Pilipinas, at Niponggo naman ang gumanap na opisyal na wika ng buong Asya (Javier, 1975).1 Ginawa ito para sa pagpapaunlad ng sariling kultura ng Pilipinas, sa pagpapalaganap ng moralidad at kulturang Oriental.2 Ang Oriental, ayon kay Gosiengfiao (1966), ay ang kabuuang kultura ng mga bansang mahahanap sa Silangang Asya.3


Ang pagbabago ng mga opisyal na wika ay isinagawa upang buwagin ang impluwensya ng mga Amerikano at ng mga bansang kanluranin.4 Ang paggamit ng Ingles at lahat ng peryodiko, pahayagan, libro, at sulatin ukol sa Estados Unidos ay pinagbawalan sa lahat ng aspeto ng buhay ng mga Pilipino.5 Upang maisagawa ito, nagdeklara ang presidente ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 10 noong 1943, na nagdadagdag ng pagtuturo ng pambansang wika, ang Tagalog, sa kurikulum ng elementarya, pribado man o pampubliko (Espiritu, 2015).6 Maliban sa pagdadagdag ng Tagalog sa kurikulum, Tagalog na rin ang ginagamit na midyum upang maipahayag at maituro ng mga guro ang kanilang mga aralin.7 Ang mga guro noon ay sanay sa pagtuturo gamit ang Ingles, at para matutunan ng mga guro ang pagtuturo gamit ang tagalog, nagkaroon ng malawakang pagsasanay ang mga ito.8 Nagbukas rin ng paaralan na magtuturo sa mga guro ng Tagalog na magagamit sa pagpapalaganap ng wikang pambansa (“President’s Month in Review: January, 1944”).9 Nagdeklara rin ang presidente ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 44, na nagsasaad ng pag-aayos ng iba't ibang paaralang bayan sa Pilipinas sa lahat ng antas, na ginamit upang mailaganap ang kasiipang hapones at ang wikang pambansa (Executive Order 44, 1944).10 Nakasaad rin sa kautusang ito ang pagpapaunlad ng wikang pambansa at ng mga salitang ginagamit nito, at nadagdag rin sa kurikulum ng mataas na pag-aaral ang wikang Tagalog.11


Hindi lamang sa mga paaralan makikita ang pagbabago ng wikang opisyal.12 Ang pangalan ng mga kagawaran, mga titulo ng mga pinuno ng bansa, at maging ang mga pahayagan at iba pang dokumento ay sinalin at ginawang Tagalog.13 Upang lumawak ang paggamit ng Tagalog, nagdaos rin ng patimpalak ang administrasyong Hapones sa paglilikha ng akdang pampanitikan.14 Samakatwid, sumikat ang  wikang tagalog at lumabok pa ang panitikang Pilipino at ang kultura natin.15


Base sa Ordinansa Militar Blg. 13, maging ang Nihonggo ay masasama sa mga opisyal na  wika ng bansa (Añonuevo, n. d.).16 Tinuruan ang mga Pilipino ng paggamit ng Niponggo, at ginamit ng mga hapones ang midya upang ikalat ang pangunahing salitang kinakailangan upang makaintindi at makasalita ng Niponggo.17 Ayon kay Gonzales (1997), ang Niponggo rin ay idinagdag sa kurikulum sa elementarya at mataas na pag-aaral.18 Nagkaroon rin ng maraming paligsahan sa pagbuo ng panitikan gamit ang Niponggo, kaya’t  kumalat ang wikang ito, at nang makaraan ang 2 taon, ang mga tao sa bansa ay kasing sanay na magsalita ng Niponggo sa mga Hapones.19


Makikita natin dito na ang panahon ng pananakop ng Hapones ay hindi lamang puno ng kasakiman.20 Dahil sa kanilang pagtulak ng kulturang kanluranin, napayabong nila ang ating sariling kultura.21 Kahit na maraming mabuting naidulot ang pananakop ng mga Hapon sa pagpapayaman ng ating wika, marami rin silang naidulot na masama, at may kani-kaniyang intensiyon ang mga ito.22
Ang Kalibapi, o ang Kapisanan sa paglilingkod sa bagong Pilipino, ay ang nag-iisang partidong pampulitikang hinayaan ng mga Hapones na tumakbo sa Pilipinas (Romero, 2016).23 Ginamit ito ng mga Hapones upang magaringganap ang pananakop nila sa Pilipinas.24 Sinakop nila ang Pilipinas upang “palayain” ito sa impluwensiyang kanluranin, at para maitatag ang Greater East Asian Co-Porsperity Sphere (GEACPS).25 Ang GEACPS ay isang ideolohiya ng hapones kung saan ang mga bansa sa Silangang Asya na nasakop ng mga Europeo ay magbubuo ng isang Oreintal na kultura, at ang Hapon bilang pinuno ng mga bansang ito (Adem, 2015).26 Sa pamamagitan nito, natatag ang kamalayang Oreintal sa isip ng mga mamamayan.27

Upang mapagsama ang kultura ng mga Hapon at ng mga Pilipino, kinakailangang maipakita ang pagkakapareho nito.28 Ayon kay Javier (1975), binayaran ng mga Hapones ang mga manunulat ng sikat na pahayagan upang magsulat ukol sa pagkakatulad ng kultura ng Pilipinas at Hapon.29 Ang mga naisulat ay pinagrabe o “exaggerated”, at may mga manunulat oang nagsabing tinulungan tayo ng mga Hapones sa rebolusyon laban sa Espanyol, kahit na walang ebidensya ukol dito.30
Sa huli, makikita pa rin na maraming mabuti at masamang naidulot ang pananakop  ng mga Hapon sa Pilipinas.31 Sa panahon ng Hapones nakasama sa kurikulum ng pagtuturo ang wikang pambansa.32 Sa panahong ito rin napalawak ang mga salita sa wikang Tagalog, lumalim ang pagkaintindi natin sa sarili nating wika, dumami ang panitikang gumagamit ng pambansang wika, at dito rin natuto ang mga guro at Pilipinong masanay sa paggamit ng Tagalog.33


Dahil sa kagustuhan ng mga Hapones na pamunuan ang mga bansang matatagpuan sa Silangang Asyang sinakop ng mga Europeong bansa, ginawa nila ang kanilang makakaya upang tanggalin sa isip ng mga Pilipino ang impluwensiyan ng kanluran.34 Gumawa sila ng paraan upang mapagsama ang kultura nila at ng bansang kanilang sinasakop, kahit na’y ito’y magdulot ng kasinungalingan.35


Sa pagkawala ng Ingles, napilitang matuto ng Tagalog ang mga manunulat, dalubwika, at maging ang ordinaryong Pilipino.36 Masahol man ang pagtrato ng mga Hapones sa mga Pilipino noong panahon ng kanilang pananakop, hindi natin masasabing walang magandang natulong ang kanilang pananakop.37 Dahil sa pananakop ng mga Hapones, nagkaroon ng malawakan at masinsinang talakayan at talastasan ukol sa wika.38 Dahil sa pananakop ng Hapones, napaisip ang mga tao at nagkaroon ng pananaw ukol sa wika, na hanggang ngayo'y pinag-iisapan pa rin ng mga dalubwika.39


Para sa akin, ang pag-unlad ng wika noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig ay hindi katumbas ng buhay na nabuwis sa pakikipaglaban.40 Maganda man ang naidulot nito sa ating wika at maging sa ating kultura, hindi na maibabalik ang buhay na nasayang lamang sa giyera.41 Ang kawalang-awa ng mga Hapones ay hindi dapat kalimutan, at nararapat nating alalahanin ang kasakimang kanilang naidulot.42      


ESCUETA, Joaquin Miguel G.
Noong unang nalaman ng grupo ko ang paksang itinalaga sa amin, pinagusapan at pinagplanuhan agad namin ang presentasyon. Inilahad namin ang iba iba naming mga ideya at ginawa namin ang mekaniks ng larong napagisipan namin. Nagkuwentuhan kami tungkol sa mga paksang medyo may kaugnayan sa Japan at napakuwento tuloy ako tungkol sa aking pamilya. Ang pamilyang Escueta kasi ay nagmula pa sa Espanya at nanirahan lamang sa probinsya ng Quezon noong panahon ng mga Espanyol. Lumaki akong maraming nalalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa mga kuwento ng aking mga lolo’t lola. Dito ko natutunang napakalakas pala ng impluwensya ng kulturang Kastila sa ating kultura ngayon. Dahil sa kaalamang ito, napakamot ako ng ulo at napasabing, “Paano ba tayo magreresearch eh 4 years lang tayong sinakop ng mga Hapon. Halos wala naman sigurong effect yung stay nila diba?”. Sumangayon naman ang aking mga kagrupo ngunit napagdesisyunan naming magsaliksik pa rin.

Sa pagbabasa, napagtanto kong ako pala ay nagkamali. Nalaman kong napakarami palang elemento ng ating modernong kultura ang nanggaling sa impluwensya ng mga Hapon. Isa na dito ang paglaganap ng Karaoke at KTV bars sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang mas kumplikado at sopistikadong sistema ng pamahalaan sa mga baranggay ang ipinakilala rin ng mga Hapon (Gonzales, 1975). Dala rin ng kanilang pananakop ang ating pagmamahal sa pagtangkilik ng makabagong teknolohiya tulad ng mga VCR, kamera at iba pa (Orillos, 2015). Marami ring mga reporma ang pinagdaanan ng systema ng edukasyon ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapon.
Isa sa mga pinakaimportanteng repormang kanilang ipinataw ay ang pagbabawal ng pagsalita at pagsulat sa wikang Ingles. Kasabay nito ang pagpapakilala nila ng iba ibang elemento ng literatura at kulturang Hapones sa mga institusyon. Ito ang nagtulak sa mga Pilipino na magsulat at magsalita sa sariling Wika at iba’t ibang kilusang pang-literatura ang naganap. Yumaman at lumalim ang lebel ng literatura sapagkat pinagsanib na ng mga makatang pinoy ang mga tradisyunal na estilo ng pagsusulat at mga elemento ng literaturang Hapones tulad ng mga Haiku at maikling kuwento. Lumaganap ang mga sonnet at tula tungkol sa digmaan at sa importansya ng kulturang Pilipino at nanatili parin ang paglaganap nito sa kabila ng paglisan ng mga Hapon.


Sa pagaaral ng kasaysayan ng Pilipinas, sa pakikinig sa mga kuwento ng aking mga kapamilya, sa pag-aaral ng imperyalismo ng Estados Unidos sa Araling Panlipunan at sa sa pagsasaliksik tungkol sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, napaisip tuloy ako. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging ganap at tunay na Pilipino? Bakit pa nga ba nating kailangan ipagsapilitang kontrahin ang mga pagbabagong ginawa ng EU, Espanya at Japan sa ating bansa? Ibibigay ba talaga nito ang diwa ng pagiging “tunay na Pilipino”? Ang pagiging tunay na Pilipino ba ang pagtangkilik at paggawa ng mga bagay na walang bahid ng impluwensyang iba?

Bakit minamasama ang “colonial mentality” kung nakakatulong ito sa Globalisasyon? Importante pa ba ngayong ang Nasyonalisismo ngayong panahon na ng Globalisasyon? Iilan lamang ang mga ito sa mga tanong na sumagi sa isipan ko noong nagsasaliksik nito. Sa totoo lang, ayokong gumawa ng konkreto at matatag na opinyon para sagutin ang mga tanong na ito sapagkat marami pa akong kailangang pag-aralan at maintindihan ngunit kung kailangan kong sagutin ang lahat ng ito, simple lang naman ang sasabihin ko. Sa aking palagay, importante para sa isang Pilipino ang pagtanggap ng ating madugo ngunit makulay na kasaysayan. Ang mga bahid ng iba’t ibang kultura ay hindi nagpapadungis sa ating sariling kultura kundi nagpapaganda nito. Imbes na hindian natin ang mga pagbabagong ito, dapat nating akuin at gawing atin ang mga ito. Ngayong panahon na ng globalisasyon, importanteng magkaroon ng sinasabing “National Identity” sapagkat ito ang magdidikta ng direksyong dapat nating pinatutunguhan ngunit hindi dapat ito maging hadlang sa pag-unlad ng ating bayan. Sa aking 18 na taon ng karanasan, tuwing nalilito ako kung ano nga ba ang ibig sabihin ng maging tunay na Pilipino, itong dalawang lang ang inaalala ko. Kahusayan at malasakit sa kapwa.


ORTIZ, Carmelo D. IV


Bago nagsimula ang school year pumunta ako at ang pamilya ko sa Bataan at binisita namin ang Bataan World War II Museum. Isa sa mga tour guide namin ay matanda na naging biktima ng Death March. Ikinuwento niya samin ang kaniyang karanasan - ang pagmamalupit ng mga Hapones sa kaniyang pamilya at sa kaniya. Nakita namin sa kaniyang paraan ng pagsasalita na sobrang tindi talaga ng galit niya sa mga Hapones. Isa sa kanyang mga kapatid ay namatay at, sa aking pagkaalala, kalahati ng kaniyang pamilya ay hindi nakatapos ng Death March. Halatang-halata na nag-iwan ng marka ang bansang Hapon sa Pilipinas. Dahil dito, hindi ko talaga inasahan na ang mga Hapones pala ay tumulong sa pag-unlad ng ating kultura, lalo na ang ating wika. Gayumpaman, hindi naman nila ginawa ito dahil nais nilang tayong tulungan. Sa paraan lamang ng pagbabawal sa wikang Ingles at pagpilit sa paggamit ng wikang Tagalog ay napilitan tayo na palawakin at damihan ang ating mga akdang pampanitikan at pang-agham na nakasulat sa isa sa maraming wika ng Pilipinas. Nais lang nilang tanggalin ang impluwensiya ng mga Amerikano sa bansa.


Sa panahon ng WWII, ang bansang Hapon ay ang pinakamakapangyarihan sa buong Silangang Asya. Dahil dito, ang Nihonggo ay naging opisyal na wika ng Asya. Nang sinakop ang bansa ng mga Hapones, idineklara nila ang Tagalog bilang pambansang wika (Javier, 1975). Dumating sa punto na binawalan nila ang lahat ng mga akda at pagsusulat sa wikang Ingles, at lahat ng may kinalaman sa Estados Unidos. Nais nilang bawalan ang rebolusyonaryong pag-iisip.  Masama ang kanilang layunin, ngunit mabuti ang bunga nito dahil mas lalong yumabong ang kultura ng bansa. Isang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 10 ay ipinatupad ng dating presidenteng Jose P. Laurel, isang manika ng Imperyong Pamahalaan ng mga Hapones, upang ilagay ang pag-aaral ng wikang Tagalog sa kurikulum ng mga estudyante sa elementarya, publiko man o pribado (Espiritu, 2015). Inanyayahan niya ang buong bansa na suportahan ang mga Hapones sa pag-aaral at pagtuturo ng wika na maiintindihan ng lahat ng mamamayan ng Pilipinas (Laurel, 1944). Alam naman natin na napakarami ang wika sa Pilipinas - higit pa sa 170. Makakatulong sa bansa kung lahat ng tao ay gagamit ng iisang wika. Maaaring ipagtalo ang kapakinabangan ng Pilipinas sa pagsakop ng mga Hapones, subali’t sa tingin ko mas-mabilis ang pag-uunlad ng bansa sa larang ng wika at panitikan. Hindi mahigpit ang mga Hapones sa pagpigil ng mga Pilipino na partidong pampulitiko na tumakbo sa gobyerno. Isang magandang halimbawa ang KALIBAPI, ang Kapisanan sa paglilingkod sa bagong Pilipino. Ipinamukha nila na ang Pilipinas ay malaya sa impluwensiya ng mga Hapones. Isa pa sa mga ipinatupad ng mga Hapones ay ang Surian ng Wikang Pambansa (Almario, 2013). Ang layunin nila ay “mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Sila ang nagpasiya ng pambansang wika ng Pilipinas.Ipinatupad ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog na ang bagong wikang Pambansa. Sa katunayan, naging matalino ang mga Hapones pagdating sa pagpigil ng mga ideya na tungkol sa rebolusyon.


Marami akong palagay sa panahon ng Hapon na nagbago. Lumaki ako na nag-iisip na lahat ng ginawa ng mga Hapones ay masama. Siguro ito ay dahil marami sa aking pamilya ay naabutan ang panahon ng Hapon at naranasan ang pagmamalupit nila. Hindi nila nakita ang mga mabuti rin nilang ginawa. Dahil sa kanila, mas lalong yumabong ang ating kalinangan. Binigyan tayo ng opportunidad na magsulat sa ating sariling wika, malaya sa impluwnsiya ng ibang bansa. Isa pa nga ng sinasabi ng nanay ko ay mas nahirapan pa ang mga Pilipino sa tatlong taon na sinakop tayo ng mga Hapones kaysa sa mga-300 na taon na nasa sinakop tayo ng Kastila. Napagtanto ko na ang kalayaan natin ay ipinaglaban ng mga sinaunang kasama ng mga Amerikano, subali’t ang pag-uunlad ng ating kultura ay nangyari sa panahon ng Hapones.


Listahan ng mga Sanggunian


Adem, S. (2015). A Greater east asia co-prosperity sphere (GEACPS) 2.0. Contesting
International Society in East Asia. 17(4), 707-707.


Almario, V. (2013, September 18). In Focus: Sino-sino na ba ang Umayaw sa Filipinas? Retrieved October 10, 2017, from http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/sino-sino-na-ba-ang-umayaw-sa-filipinas/


Añonuevo, R. (n.d.). Paglingon sa ugat ng komisyon sa wikang filipino. Kinuha Oktubre
10, 2017, mula sa http://kwf.gov.ph/kasaysayan-at-mandato/


Espiritu, C. (2015, April 29). Filipino language in the curriculum. Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://ncca.gov.ph/subcommissions/subcommission-on-cultural-disseminationscd/language-and-translation/filipino-language-in-the-curriculum/


Executive Order No. 44, 1944. Kinuha mula sa http://www.officialgazette.gov.ph/1944/03/31/executive-order-no-44-s-1944/


Gonzales, R. (1997). Japanese language education in the Philippines: Profile of learners, motivation, issues, and prospects. Japanese studies, De la salle university. Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://www.academia.edu/28198434/JAPANESE_LANGUAGE_EDUCATION_IN_THE_PHILIPPINES_PROFILE_OF_LEARNERS_MOTIVATION_ISSUES_AND_PROSPECTS_1


Gosiengfiao, V. (1966). The japanese occupation: "The Cultural Campaign". Philippine Studies, 14(2), 228-242. Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://www.philippinestudies.net/ojs/index.php/ps


Laurel, J. (1944, January 1). Pambagong-Taong Kalatas sa mga mamamayang Hapon ng Kanyang Kadakilaang Jose P. Laurel, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ika-1 ng Enero, 1944. Retrieved October 10, 2017, from https://pinoypanitik.weebly.com/panahon-ng-hapon.html


Javier, M. C. (1975). Japanese cultural propaganda in the Philippines. Asian Studies: Journal of Critical Perspectives on Asia, 13(3), 47-62. Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://www.asj.upd.edu.ph/mediabox/archive/ASJ-13-03-1975/javier-japanese-cultural-propaganda-philippines.pdf


Orillos, F. (2015). Mga pelikulang “Propaganda” noong panahon ng okupasyong
hapones: “Dawn of Freedom” at “Tatlong Maria”. Departamento ng Kasaysayayan: De La Salle University.


President’s Month in Review: January, 1944. (n.d.). Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://malacanang.gov.ph/5371-presidents-month-in-review-january-1944/


Romero, J. (2016, Enero 26). Grandad Aquino’s KALIBAPI. Kinuha Oktubre 9, 2017, mula sa http://www.manilatimes.net/grandad-aquinos-kalibapi/241578/


Vargas, J. B. (1942). Address of Chairman Jorge B. Vargas of the Philippine Executive Commission announcing to the Filipino people the organization of the “Association for Service to the New Philippines”, December 8, 1942. Retrieved October 10, 2017, from http://malacanang.gov.ph/7362-address-of-chairman-jorge-b-vargas-of-the-philippine-executive-commission-announcing-to-the-filipino-people-the-organization-of-the-association-for-service-to-the-new-philippines-december-8-194/


Comments

Popular posts from this blog

BLOCK G: KASAYSAYAN NG WIKANG FILIPINO: KOMONWELT

Block C: Ang Kape sa Pilipinas

Block F: Kasaysayan ng Wikang Filipino: Hapon